Apat na miyembro ng Philippine Sports for the Differently Abled-NPC Philippines ang lehitimong nagkuwalipika sa darating na 2016 Rio De Janeiro Paralympic Games sa Brazil.

Ang apat na differently-abled athlete na nakapagkuwalipika na ay binubuo nina Ernie Gawilan sa swimming, Andy Avellana at Jerrold Mangliwan sa athletics kasama ang natatanging babae na si Josephine Medina sa table tennis.

Ipinaliwanag ni Philspada-NPC executive director Dennis Esta na asam ng asosasyon na makapagpadala ng siyam na atleta sa isasagawa ngayong taon na Paralympics kung saan may kabuuang 16 pa sa miyembro nito ang nais na makasama sa pagsabak sa mga qualifying tournament.

“Target namin na makapagpadala uli ng katulad na bilang noong huling delegasyon natin na siyam na atleta. Mas lalo sigurong maganda kung madadagdagan pa para mas lumaki ang chance natin na makasungkit ng gintong medalya kahit man lamang sa Paralympics,” sabi ni Esta.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Pinakamalapit na nakapag-uwi ng gintong medalya para sa Pilipinas ay ang powerlifter na si Adeline Dumapong-Ancheta,ang pinakaunang Filipino Paralympian na nagwagi ng medalya matapos na makasungkit ng medalyang tanso noong 2000 Summer Paralympics.

Si Gawilan ay nagawang magkuwalipika sa 400-meter at 100-meter freestyle men’s S8 habang si Avellana ay sasabak naman sa high jump men’s F42/44) at si Mangliwan sa T52 wheelchair racing matapos makapasa sa qualifying standard sa kani-kanilang events sa 2015 Asean Para Games sa Singapore noong Disyembre 5-16.

Nagawa naman ni Medina, na tumapos na pang-apat sa Individual C8 event noong London Games at namintina ang kinakailangang puntos upang masiguro ang ikalawang sunod nitong pagsabak sa Paralympics.

Nakatakda naman lumaban makipagsapalaran ang Sydney Paralympian na si Dumapong-Ancheta upang makabalik muli sa Paralympics sa pagtungo sa Powerlifting World Cup sa susunod na buwan sa Kuala Lumpur kasama ang kapwa beterano sa London na sina Achele Guion at Agustin Ditan.

Walong iba pa mula sa athletics ang sasabak para sa slots sa Rio sa paglahok sa qualifying meet sa China sa Abril habang limang swimmers ang magtutungo sa Europa sa Mayo.

Nagpadala na rin ang Philspada ng kahilingan para mabigyan ng slot bilang wild card si Arthus Bucay sa cycling.

Matatandaan na si Bucay ay nagawang magwagi ng tansong medalya noong 2014 Asian Para Games sa Incheon. (ANGIE OREDO)