Aabot sa mahigit 100,000 trabaho ang naghihintay sa mga aplikanteng Pinoy sa Pilipinas at sa ibang bansa, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).
Hanggang Enero 12, nakasaad sa PhilJobNet, ang opisyal na job search website ng DoLE, na umabot na sa 116,295 ang mga nakarehistrong job opening mula sa iba’t ibang kumpanya.
Nasa 18,764 na maaaring pasukang trabaho sa Pilipinas ay para sa customer service clerk. Ito ay sinundan ng personnel and protective sales workers na nasa 14,129, at sales worker na nasa 12,081.
Para sa mga trabaho sa ibang bansa, ito ay kinabibilangan ng mga metal, machinery at iba pang industrial job opportunity, na aabot sa 4,527.
In-demand din ang mga trabaho sa sektor ng mining at construction, na aabot sa 3,481.
Hinikayat ng DoLE ang mga naghahanap ng trabaho na bisitahin ang PhilJobNet website upang matukoy ang mga posibleng job opening na akma sa kanilang kakayahan at kaalaman.
Tiniyak din ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na regular nilang isinasaayos ang listahan ng job opportunities sa PhilJobNet upang makatulong hindi lamang sa mga aplikante kundi maging sa mga employer. (Samuel P. Medenilla)