Dumating na sa bansa si former NBA stalwart Al Thornton kahapon ng umaga buhat sa Estados Unidos.
Ang 32-anyos na si Thornton ay muling kinuha bilang import ng NLEX kung saan nag-average ito ng 30.8 points, 12.5 rebounds at 1.6 assists sa nakaraang Commissioner’s Cup campaign nito para sa Road Warriors.
Dinala ni Thornton sa fourth place ang NLEX matapos ang elimination round ng naturang conference ngunit nasibak ito ng Meralco Bolts sa playoffs sa kabila ng twice-to-beat edge na hawak ng Road Warriors.
Ayon kay head coach Boyet Fernandez, nais bumawi ni Thorton sa nasabing kabiguan kaya nagkasundo sila na ibalik ang American import na naglaro para sa LA Clippers, Washington Wizards at Golden State Warriors sa NBA.
“After our loss to Meralco he approached me and told me if ever we sign him up again, he will prove his worth and show us who the real Al Thorton is,” ani Fernandez “Yung work ethic niya, yun talaga yung naging reason para kunin ulit namin siya apart sa nadala niya kami sa best finish namin.”
Hindi naman nag-dalawang isip ang management na kunin muli si Thornton kahit na hindi ito nakapaglaro sa anumang major leagues matapos ang kaniyang PBA stint.
Dagdag ni Fernandez, tiwala sila hindi lamang sa kakayahan ni Thornton kungdi maging sa disiplina nito sa sarili na nagsilbing inspirasyon sa NLEX teammates nito.
Kahapon ay sinalubong ni team manager Ronald Dulatre si Thornton at nagustuhan naman nito ang nakita sa kondisyon ng kanilang balik-import.
“”He’s very professional. We will have five weeks to get him in great shape. We will be in Baguio next week for our training and bonding sessions,” pahayag ni Dulatre.
Nakatakdang magsimula ang darating na PBA Commissioner’s Cup sa Pebrero 10. (DENNIS PRINCIPE)