Isang lalaki, na sinasabing may diperensiya sa pag-iisip, ang nasagip ng isang street sweeper sa tangkang pagbibigti sa isang footbridge sa Baclaran, sa may hangganan ng Pasay City at Parañaque City, kahapon.
Agad na isinugod ng hindi kilalang street sweeper ang biktimang si Randy Aleman, 31, ng Samar, Leyte, sa San Juan de Dios Hospital.
Natiyempuhan ng street sweeper si Aleman nang tumalon sa footbridge habang may nakapulupot na lubid sa leeg at ang lubid ay itinali sa iron grill ng istruktura.
Sa tulong ng mga tambay sa lugar, ibinaba si Aleman mula sa pagkakabitin sa footbridge bago siya isinugod sa ospital.
Nagtangka pang magpumiglas ang biktima habang isinasakay sa mobile patrol car, ayon sa ulat.
Dakong 8:00 ng umaga nang ipag-utos ni Senior Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, na ilipat ang biktima sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City sa rekomendasyon ng mga doktor sa SJDH, nang mapansin nila na iba ang ikinikilos nito. (Bella Gamotea)