Posible ring makaagaw ng silya sa 2016 Rio Olympics ang tinanghal na Singapore Southeast Asian Games century dash queen na si Kayla Richardson base sa pagmo-monitor ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa paghahanda ng mga nagnanais na makalahok sa kada apat na taong olimpiada sa Brazil.
Napag-alaman mismo kay PATAFA president Philip Ella Juico na sapul nang tanghaling 28th SEA Games’ fastest woman ang 17-anyos na si Kayla Richardson pati ang kakambal nito na si Kyla ay patuloy pa rin ang paghahanda ng dalawa para sa mas malalaking torneo.
Nakausap mismo ni Juico sa isang overseas phone call noong nakaraang linggo si Jeff Richardson, ang ama at tumatayong coach ng kambal, hinggil sa progreso ng dalawa o sapul noong Setyembre 2015 o ilang linggo matapos na magwagi si Kayla sa 100 meter dash sa biennial games.
Matatandaang tinalo ni Kayla para sa gintong medalya ang dating kampeon mula Thailand na si Tassaparn Wannakit sa isinumite na 11.76 segundo na mas mabagal sa personal best nito na 11.65 segundo.
Ang panalo nito ay pumantay sa isinagawa noon ng maalamat na si Lydia de Vega na 17-anyos noong una nitong masungkit ang kanyang unang gintong medalya sa SEA Games sa 100 meter run sa Manila noong 1981.
“Richardson said that both Kyla and Kayla are on track to make significant drops in their personal bests in the 100m, 200m and 400 m runs,” sabi ni Juico.
Ipinaliwanag ni Richardson na patuloy ang pagpapalakas ng dalawang bata kung saan sinasanay ito ngayon para sa speed-power combination.
“They could eclipse the 11.29 seconds required in the 100 meters to qualify for the 2016 Olympics,” sabi ni Richardson, na siyang nagsasagawa ng hand timing para sa 60 meter performances ng kambal.
Iniulat pa ni Juico na malalaman ang opisyal na oras ng dalawa bago matapos ang buwan sa pagsali sa All-Comers Preseason meets kung saan gagamitin ang mga electronic timers.
Optimistiko din si Richardson na makakapagkuwalipika si Kayla sa Olympics sa 100 at 200 meter matapos magtala si Kayla ng wind legal 11.65 secs sa 100 meters at 23.6 secs sa 200 meters. Ang qualifying standard sa women’s 200 meter run ay 23.20 secs. (ANGIE OREDO)