Pinatunayan ng Emilio Aguinaldo College ang kung bakit sila ang reigning champion sa men’s division sa ginanap na NCAA Season 91 volleyball tournament makaraang angkinin ang top spot papasok ng Final Four round matapos gapiin ang dating co-leader University of Perpetual Help, 21-25, 25-20, 25-17, 25-19, kahapon sa playoff match sa San Juan Arena.

Matapos matalo sa first frame, nag-regroup ang Generals sa pangunguna ni Howard Mojica at winalis ang sumunod na tatlong sets upang gapiin ang Altas na gaya nila’y nagtapos na may barahang 8-1, panalo-talo, sa nakaraang eliminations at angkinin ang No.1 seed patungo sa semifinals.

Nagposte si Mojica ng game-high 30puntos, kabilang dito ang 24 hits at 5 service aces upang pamunuan ang nasabing panalo.

Nag-ambag din ng double digit performances ang kanyang mga kakamping sina Hariel Doguna(11), Keith Melliza (10) at Israel Encina (10), habang namuno naman para sa Prepteual sina Manuel Doliente at JP Ramos na kapwa may tig-10 puntos.

Amores magle-lechong manok business muna: 'Mapapa-knockout ka sa sarap!'

Pinamumunuan ng Generals ang laban maliban sa floor defense kung saan naungusan sila ng Altas sa digs, 21-15.

Bumawi naman sila sa net defense matapos magtala ng 8 blocks kumpara sa isang naitala ng UPH at pinulbos ang kalaban sa hits at aces, 48-35,at 12-6, ayon sa pagkakasunod.

Nakatakdang makatapat ng Generals ang matatalo sa playoff match ng Arellano at San Beda College habang makakatapat naman ng Altas ang pumasok na No.3 team na College of St. Benilde sa Final Four round.

Sa juniors division, inangkin naman ng defending champion Junior Altas ang No.1 spot papasok ng semis matapos bawian ang EAC Brigadiers, 25-18, 27-25, 17-25, 25-13.

Apat na Junior Altas ang tumapos na may double figures na kinabibilangan nina Darwin Salopaso(13), Ivan Encila(12),Conrad Etorma (11) at Jody Severo (11) upang giyahan ang nasabing panalo.

Nabalewala naman ang game high 15 puntos ni Cee-jay Hicap dahil nagkasya na lamang sila sa second spot kung saan haharapin nila ang pumangatlong Arellano Braves sa semis.

Nakamit naman ng San Sebastian College ang pang-apat at huling Final Four berth matapos gapiin ang Lyceum of the Philippines sa kanilang knockout match, 25-16, 28-26, 22-25, 21-25, 15-11.

Nagtala ng kanyang personal best na 33 puntos na binubuo ng 31 hits si Carl Justin Berdal para pangunahan ang Staglets sa pag-usad sa semifinals.