SA nakalipas na mga buwan, tinututukan ng mundo ang digmaan sa Gitnang Silangan, at ang Islamic State ang may pakana ng mga paglalaban sa Syria. Ang mga pag-atake ng mga terorista sa France at sa United States ay ikinasa ng mga armadong grupo na naimpluwensiyahan ng mga jihadist sa Middle East.
Noong nakaraang linggo, nalipat ang atensiyon ng mundo sa bahagi natin sa daigdig matapos ihayag ng North Korea na nagpasabog ito ng isang hydrogen bomb, na nagdulot ng pandaigdigang pangamba. Ang isang hydrogen bomb sa kamay ng North Korea ay isang direktang banta sa mga kalapit-bansa nito, partikular na sa South Korea at Japan, gayundin sa China at Amerika dahil sa kakayahan ng North Korea sa pagkakaroon ng mga missile. Ang kaparehong missile capability na ito ay isang matinding pangamba para sa atin dito sa Pilipinas.
Bilang tugon ng Amerika, pinalipad nito ang isang B52 Stratofortress heavy bomber sa katimugang bahagi ng hangganan ng North at South, sa pag-alalay ng tig-isang jet fighter ng Amerika at South Korea. Matagal nang batid na kaya ng B52 na magbitbit ng mga nuclear weapon. Ang isinapublikong paglipad nito may 70 kilometro ang layo sa North Korea ay isang babala na ang anumang pag-atake ng North gamit ang nukleyar na armas ay agad na magagantihan ng Amerika.
Sa harap ng nuclear threat na ito, bukod pa sa matagal nang tensiyon sa pagitan ng China, Japan, Pilipinas, Vietnam, at iba pang bansa sa paligid ng East China Sea at South China Sea, nagdaos ang Amerika at ang Pilipinas ng “2 + 2 Ministerial Meeting” sa Washington, DC, kahapon. Nakipagpulong sina Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at Defense Secretary Voltaire Gazmin kina Secretary of State John Kerry at Secretary of Defense Ashton Carter.
Posibleng natalakay sa pulong ang hydrogen bomb test bilang bahagi ng pangkalahatang pagtaya sa sitwasyon ng seguridad sa bahaging ito ng mundo, ngunit mas malaki ang posibilidad na ang pag-uusap ng mga foreign affairs secretary at defense secretary ng dalawang bansa ay tumutok sa tumitinding tensiyon sa South China Sea. Sa huling “2 + 2 Ministerial Meeting” ng dalawang bansa noong 2012, hiniling ng Pilipinas ang tulong ng Amerika sa paraan ng dalawang barkong pang-militar at isang squadron ng mga jet fighter upang mapalakas ang depensa ng Pilipinas.
Hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang pangangailangang maipatupad ang mga upgrade na ito.
Maingat na tumalima ang Pilipinas sa mga pandaigdigang proseso sa hindi pagkakaunawaan sa alinmang bansa. Sa nakalipas na mga taon, umasa ang bansa sa alyansa nito sa Amerika. Gayunman, kailangan pa rin nitong matamo ang isang “minimum credible defense posture”— isang mahalagang katangian ng alinmang soberanyang bansa.
Nagsimula na tayong magdagdag ng sarili nating kagamitan sa depensang militar, gaya ng mga jet fighter na binili natin kamakailan mula sa South Korea. Ngunit marami pa tayong kailangang gawin, dahil ang ating islang teritoryo ay lantad sa mga pakikialam mula sa mga may sariling interes na naaakit sa ating saganang yamang-dagat. Umasa tayong ang “2 + 2 Ministerial Meeting” sa Washington, DC, ay makatutulong sa ating mga pagsisikap para magkaroon ng isang maaasahang depensa, at bukod dito, umasa tayong ang ating gobyerno, sa pamamagitan ng sarili nating pondo, ay makapaninindigan sa nating mga pagsisikap hanggang sa huli.