Isang independent body ang Commission on Elections (Comelec) kaya dapat lang na hintayin ang resulta ng talakayan kaugnay ng sigalot sa nasabing ahensya.
Ito ang pahayag ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. kaugnay ng hidwaan nina Comelec Chairman Andres Bautista at Commissioner Rowena Guanzon.
Napag-alaman na nag-ugat ang girian ng dalawang opisyal nang maghain si Guanzon ng komento noong Enero 7 sa Supreme Court (SC) kaugnay ng disqualification case laban kay Sen. Grace Poe, na kinuwestiyon ni Bautista dahil hindi raw niya awtorisado ang hakbang ng huli.
“Pero hangad namin na maresolba ang sigalot sa Comelec lalo pa’t nagsimula na ang election period kahapon,” ani Coloma.
Magugunitang uminit pa ang bangayan ng dalawang Comelec official nang tahasang akusahan ni Guanzon si Bautista na kinakampihan nito si Sen. Grace at naghamong ilabas ang lahat ng transcript ng kanilang mga meeting, at ang mga naging aksiyon ng chairman para ma-delay ang pagdinig sa nasabing disqualification case. (Beth Camia)