Habang patuloy pa ring pinagdidiskusyunan ng ilang mga boxing analyst ang kanyang pagpili kay Timothy Bradley bilang pinakahuli niyang kalaban sa Abril, nagsimula ng maghanda si Manny Pacquiao para sa kanyang nakatakdang pagsasanay para sa nasabing laban.
Nais ni Pacman na handa na ang lahat, lalo na ang sarili kapag nagsimula na ang kanyang training camp para sa laban nila ni Bradley.
Inaasahan ni Pacquiao na makakapagsimula siyang mag-ensayo sa unang lingo ng susunod na buwan para sa muli nilang paghaharap ni Bradley bago siya tuluyang magretiro sa Abril 9 na magaganap sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Kabilang sa ginagawang paghahanda ni Pacquiao ay ang nakaugalian na niyang paglalaro ng basketball.
Gayunman, hindi pa rin niya nakakaligtaan na maglaan ng oras sa kanyang pamilya at ang pagbabasa ng bibliya.
Ayon sa kampo ni Pacquiao, magsisimula ang kanyang training camp sa Pilipinas, ngunit wala pang katiyakan kung kailan darating sa bansa si coach Freddie Roach para subaybayan ang kanyang ensayo.
Nakatakdang umalis si Pacquiao patungong US sa Enero 18 para dumalo sa dalawang press conferences bilang promosyon ng kanilang laban ng welterweight king na si Bradley.
Samantala, sinabi rin ni Pacquiao na walang dapat ipag-aalala sa kanyang naoperahang kanang balikat na inamin niyang injured nang nakaraang labanan niya si Floyd Mayweather noong Mayo.
Matapos ang ilang buwang self-medication at theraphy, lumabas na magaling na ang kanyang injury base sa isinagawang Magnetic Resonance imaging o MRI.