Respeto sa pagitan ng mga pulis at motorista ang dapat pairalin, upang maging maayos ang pagsasagawa ng checkpoint kaugnay sa pinaiiral na gun ban ng Commission on Elections (Comelec) para sa mapayapa at tahimik na halalan sa Mayo.

Ito ang nakikitang solusyon ni Northern Police District (NPD) Director P/Chief Supt. Eric Reyes, matapos maiulat ang pagkakaroon ng problema sa pagitan ng mga pulis at motorista sa isinasagawang checkpoint sa CAMANAVA (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) area.

Ayon kay Reyes, nabatid na may mga pulis na sobra ang yabang at may mga motorista naman na arogante sa mga awtoridad kapag nasisita sa checkpoint. Ang ibang motorista ay sumasagot nang pabalang at nagtataas ng boses kaya’t napipilitan ang mga pulis na kasuhan sila kahit wala namang nakumpiskang baril at patalim.

“Siguro dapat maggalangan ang bawat isa. Sa part ng pulis dapat maging magalang sila sa mga sinisita at sa mga motorista naman irespeto rin natin yung men in uniform para maayos ang checkpoint at hindi na mauwi pa sa kasuhan,” payo ni Reyes. (ORLY BARCALA)

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez