Binigyan ng “go signal” ng Sandiganbayan Fifth Division si dating First Gentleman Jose Miguel “Mike” Arroyo na makabiyahe sa Japan at Hong Kong.

Pinaboran ng Fifth Division ang mosyon ng kampo ni Arroyo na humihingi ng pahintulot na makabiyahe ito sa Tokyo, Japan mula sa Enero 30 hanggang Pebrero 5, at sa Hong Kong mula Pebrero 5 hanggang Pebrero 8.

Samantala, pinaalalahanan din ng tribunal si Arroyo na huwag lalabagin ang mga kondisyon na nakasaad sa resolusyon na magiging basehan nito para kumpiskahin ang inilagak niyang travel bond, at paglalabas ng arrest warrant laban sa kanya.

Ang resolusyon ay nilagdaan ni Fifth Division Chairman Roland Jurado at nina Associate Justices Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta at Sarah Jane Fernandez.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Nahaharap si Arroyo sa kasong graft sa Fifth Division kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbebenta ng second hand helicopters na nagkakahalaga ng P104 milyon sa Philippine National Police (PNP) bilang brand new units.

Bukod dito, kinasuhan din si Arroyo ng graft sa Sandiganbayan Fourth Division hinggil sa naudlot na $329 million transaksiyon sa national broadband network.

Subalit wala pang inilalabas na resolusyon ang Fourth Division sa kahilingan ni Arroyo na makabiyahe sa ibang bansa.

(Jeffrey G. Damicog)