Piolo-Pascual (1) copy

KUNG si Sharon Cuneta ay tila aatakihin sa puso sa pag-iyak nang dumalaw sa burol ni Kuya Germs noong Lunes ng hapon ay iba naman si Piolo Pascual nang huling mamaalam sa Master Showman kinagabihan kasama ng anak na si Iñigo.

May kung ilang minutong nanatili at tiim-bagang na nagdasal si Piolo sa harap ng bangkay ni German Moreno. Pagkaraan ng ilang minutong pagpikit ng mga mata ay saka kinausap si Iñigo, na hindi namin narinig, pero ang tiyak ay ikinuwento niya sa anak kung paano naging bahagi ng kanyang buhay ang dakilang Kuya Germs ng showbiz world.

Pagkatapos magdasal ay nagpaalam na si Piolo kay John Nite. Hinabol namin ang aktor para interbyuhin habang papalabas ng chapel.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

“Sa That Entertainment ang first TV network ko,” kuwento ni Piolo. “Payat-payatin pa ako noon at si Kuya Germs ang nagsabi sa akin noon, na bakit ako laging nagpupunta sa likod, ‘Dapat nasa harap ka, huwag kang nahihiya, dapat confident ka’. Kaya hanggang ngayon, heto nasa industriya ako kasi siya ang dahilan. Bukod sa mga itinuro niya sa akin, siya ang tunay na dahilan bakit ako ngayon nandito sa showbiz at puwede pala akong mag-artista.”

Third year high school si Piolo nang maging bahagi ng kanyang buhay si Kuya Germs. Iyon ang mga panahong aandap-andap siya sa mundo. Marami siyang pangarap pero takot siya kung paano sisimulan ng paghabi ng sariling buhay. Pero sa tulong ni Kuya Germs ay hindi lang naging tuwid ang kanyang buhay, naging masagana rin ito ng higit pa sa kanyang inaasahan.

“For sure maraming makaka-miss a kanya at talagang nagmamahal sa kanya at tingnan naman natin…,” saka iginala ni Piolo ang kanyang mga mata sa napakaraming mga taong naglalamay. “Just like what I’ve said, kahit wala na siya pero ‘yung legacy niya still there at hindi na iyan magbubura at mapapantayan pa ng iba.

“Gusto kong magpasalamat kay Kuya Germs, of course sa buhay na ibinigay niya sa akin. Siguro hindi ako ngayon artista kung wala ang mentor ko na si Kuya Germs.”

 

Kapaniwalaan nang ang kaluluwa ng isang pumanaw ay hindi agad umaalis, paikut-ikot lang ito at posibleng nakikita at naririnig ang bawat pinag-uusapan ng mga tao sa lamay. Kung may mensahe si Piolo para kay Kuya Germs, ano iyon?

“He is good legacy. Hindi mo mabubura ‘yung mga kabutihang nagawa niya. Marami kaming artista ngayon na galing sa kanya. Ah, whatever he did sa mundong ito we still remain at lagi naming pasasalamatan. Malaki ang naging role niya sa aming bahay at hinding-hindi ko iyon makakalimutan,” wika ni Piolo bago hinatak ni Carmelites (personal assistant ni Kuya Germs papalayo sa amin) kasama si Mr. Johnny Manahan ng ABS-CBN.

Sa nasabing lamay ay nakausap din namin si Janice de Belen, Coleen Garcia at Billy Crawford, Dingdong Dantes, Jessa Zaragoza at Bohol Vice Governor Dingdong Avanzado. (MORLY ALINIO)