NAMAMANGHA ako sa gusto-ayaw na pagtingin ng mga Pilipino sa pulitika at halalan. Sa isang gawi, idinadaing natin ang kabiguan ng halalan na baguhin ang kalagayan ng bansa, at ang pandaraya at karahasan na naging bahagi na ng proseso.

Sa kabilang dako naman, mahilig tayong mag-speculate tungkol sa halalan. Sinasabi natin na hindi tayo naniniwala sa mga survey, ngunit gusto nating makita kung sino ang nangunguna sa mga kandidato.

Malimit akong nilalapitan ng mga tao at iisa ang kanilang tanong: “Sir, sino sa tingin mo ang mananalo?” Ang lagi kong sagot: “Matagal pa ‘yan. Marami pang mangyayari.”

Ito ang maingat kong sagot batay sa aking karanasan nang tumakbo ako sa pagka-pangulo noong 2010.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Halimbawa, marami ang nagulat sa resulta ng Pulse Asia survey nitong Disyembre, nang nakita ang muling pag-angat ni VP Jejomar Binay. Siya ang pinili ng 33% ng mga respondent. Batay naman sa survey ng Social Weather Stations, tabla sina Binay at Senadora Grace Poe na parehong nakakuha ng 26%.

Matatandaan na pagkatapos manguna sa mga unang survey, sumisid ang mga numero ng bise presidente kasabay ng maraming akusasyon sa katiwalian na nabunyag sa mga pagdinig ng Senado.

Bago nga ang halalan noong 2010, ni hindi nababanggit ang pangalan ni Pangulong Noynoy Aquino sa mga tatakbo sa pagkapangulo sa taong iyon. Biglang nagbago ang komposisyon ng halalan nang mamatay si dating Pangulong Corazon Aquino.

Halos ganito rin ang mangyayari sa halalan sa 2016. Inaasahan ng marami ang muling pagtutunggali ni Binay, ang nanalo sa pagka-bise presidente noong 2010, at ng natalong si Mar Roxas. Ngunit mula sa kawalan ay biglang lumutang si Senadora Poe bilang alternatibo, kaya naging tatluhan ang laban.

Naging apatan ang laban dahil sa paghabol naman ni Davao Mayor Rodrigo Duterte, na gumulantang sa kampanya dahil sa kanyang malupit na katapatan at makulay na pananalita.

Sa ngayon, hindi pa tapos ang mga pagbabago. Ang napipintong pagpapasya ng Korte Suprema sa kasong disqualification laban kay Sen. Poe ay tiyak na magkakaroon ng malaking epekto sa laban sa panguluhan.

Hindi rin dapat isantabi si Senador Miriam Santiago. Maaaring nangungulelat siya sa mga survey sa 4%, ngunit maaari siyang lumabas na dark horse kung madadala ng kanyang kampanya ang kabataan at social media.

Naniniwala ako na ang mahabang proseso ay makabubuti sa mga botante, at dapat nila itong gamitin upang kilalanin ang mga kandidato. May panahon tayo upang masilip ang pagkatao ng mga kandidato, at paano sila gumalaw sa harap ng mabibigat na sitwasyon. Makikita natin kung paano sila humarap sa mga problema at hamon, kaya lubos natin silang makikilala bago tayo pumili ng ihahalal.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (MANNY VILLAR)