Dalawang Filipinong mixed martial artists at 9 na dayuhan ang sasagupa para sa titulo ng ika-51 edisyon ng Pacific Extreme Combat (PXC) sa Enero 16 sa Solaire Resort and Casino.
Ito ang inihayag ni PXC director for fight operations Robert San Diego kasama ang fighters na sina Wesley Machado mula Brazil at Rex De Lara ng Pilipinas sa pagdalo nito sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s, Malate.
“This will be the first time that two Filipino fighters will fight for title,” sabi ni San Diego hinggil sa pinakatampok na laban para sa bakanteng korona sa flyweight division sa pagitan ng magkababayan na sina Crisanto Pitpitunge at Jinel Lausa sa pinakauna nitong salpukan sa pagbubukas ng taon.
Tampok din sa sagupaan ang pagdedepensa sa hawak na korona sa bantamweight ni Kyle Aguon mula sa Guam kontra sa humahamon na si Kwan Ho Kwak ng South Korea.
“PCX 51 is but the first of a four-fight deal that PXC recently inked with the Solaire Resort and Casino where the fight will be held in the 1,400 seater Solaire Ballroom,” sabi pa ni San Diego.
Si Pitpitunge ay isa sa kinukonsiderang pinakamahusay na fighter sa Asia kung saan dati itong PXC champion sa 135-pound division kahit nagbawas ito ng timbang upang sumagupa sa 125 pounds division. Huli nitong tinalo si Alvin Cacdac noong PXC 48 sa isang non-title bout.
Gayunman, inaasahang masusubok ang tibay ni Pitpitunge sa pagsagupa kay Lausa na paborito ng mga manonood matapos nitong patulugin ang nakalaban na si Ernesto Montilla sa pakikipagharap nito noong PXC 48.
Nagawa namang isukbit ni Aguon ang championship belt matapos nitong talunin sina Rolando Dy noong PXC 45. Huli nitong tinalo ang beterano sa UFC na si Russell Doane at Jon Delos Reyes pati na si Michinori Tanaka.
Ang challenger na si Kwak ay hindi pa naman natatalo sa loob ng pitong laban kung saan huli nitong dinurog si Trevin Jones sa PXC 47 kaya naman asam nitong maiuwi ang korona sa bantamweight (135 lbs).
Ilan pa sa magsasagupa ay sina Jon Cris Corton ng Pilipinas kontra Farmon Gafarov ng Uzbekista sa Flyweight (125 lbs), Wesley Machado laban kay Sho Kogane ng Japan sa featherweight (145 lbs) at Nao Yoneda ng Japan kontra Han Seoul Kim ng Korea (welterweight (170 lbs).
Magpapakitang gilas din ang kababaihan sa strawweight bout sa pagitan nina Gina Iniong ng Pilipinas kontra kay Vanessa Fernandez ng Spain; Rolando Dy laban kay Miguel Mosquera sa featherweight (145 lbs), Ernie Braca konta kay Emilio Urruta mula Miami, Florida.
Huling maglalaban ang hindi pa natatalo sa kanyang dalawang laban na si Stephen Loman kontra sa beterano na si Rex De Lara na sariwa pa sa pagtatala ng Fight of the Night na panalo sa ginanap na MMA sa Baguio. (Angie Oredo)