Inamin ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na pinsan niya ang abogado ni Senador Grace Poe na si Atty. Mario Bautista.
Ito ang pinakabagong yugto sa umiinit na bangayan sa loob ng Comelec, na nag-ugat sa pagdiskuwalipika ng poll body kay Poe dahil sa pagkukulang nito sa residency requirement na nakasaad sa Saligang Batas.
Ibinunyag ni Guanzon ang mga kahina-hinalang aksiyon umano ni Bautista na nangyari habang dinidinig ng komisyon ang mga kaso laban kay Poe.
“Bautista met the Commissioners three times to insist that we consolidate the Grace Poe cases. He voted in her favor. Talo si Poe,” pahayag ni Guanzon sa kanyang social media account.
Inakusahan din ni Guanzon si Bautista na pinatatagal ang paglalabas sa resolusyon ng komisyon na nagdiskuwalipika kay Poe na umabot ng dalawang araw bago mag-Pasko.
Karamihan sa mga commissioner ay bumoto laban kay Poe, tulad ng posisyon ng tatlong mahistrado ng Korte Suprema noong naupo ang mga ito sa Senate Electoral Tribunal.
Ipinagtataka rin ni Guanzon na nanahimik si Bautista matapos kumalat sa media ang memorandum nito laban sa commissioner.
Kapansin-pansin daw na puro mga kaalyado ni Poe na sina Senador Chiz Escudero, Sherwin Gatchalian at si Poe mismo ang nagtatanggol kay Bautista sa isyung ito.
“Bakit, kakampi sila?” dagdag ni Guanzon. (Beth Camia)