ANG pagkabawas ng yaman ng mga middle class sa mundo dahil sa climate change ay isang banta sa katatagan ng ekonomiya at ng lipunan na magbubunsod sa nasa isang bilyong kasapi nito upang aksiyunan ang global warming.

Ito ay ayon sa Swiss bank na UBS Group AG.

Sa isang pag-aaral sa paggastos ng mga middle-class sa 215 siyudad sa mundo, natuklasan ng mga analyst ng UBS na ang mga prioridad na pinagkakagastusan ay kapansin-pansing magkakaiba sa mga siyudad na pinakalantad sa mga panganib ng climate change, gaya ng Los Angeles, Tokyo, at Shanghai.

Sa mga pangunahing siyudad na ito, gumagastos ang middle class ng karagdagang 0.6 porsiyento hanggang 0.8 porsiyento sa pabahay kumpara sa national average, at hindi masyado sa mga luho, libangan at kagamitan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon sa ulat, binabago na ng mga middle-class ang kanilang pamumuhay sa mga lungsod na pinakalantad sa mainit na temperatura, tumataas na karagatan, at matinding kalamidad, gaya ng bagyo at baha.

Sa mga lugar na may mataas na panganib sa mga epekto ng nagbabagong klima, mas pinagkakagastusan ng mga tao ang pagpapatibay sa kanilang mga ari-arian. Maaari ring bumaba ang halaga ng mga bahay kung ang ilang lugar ay magiging hindi na kaaya-ayang panirahan, ayon sa report.

Ang mga pagsisikap upang makaagapay sa epekto ng climate change—na nananatiling bahagya at hindi regular sa middle class—ay maaari ring magbunsod ng karagdagang gastusin.

Sa mga siyudad na dumadanas ng matinding init, dumadami sa middle-class ang nagkakaroon ng air conditioning, ayon sa report.

Ngunit ang ilang uri ng pagbabago ay maaaring lumikha ng “negative feedback loop”, babala ng ulat. Halimbawa, ang mas malaking pangangailangan sa air conditioning ay nangangailangan ng mas maraming kuryente, na maaaring magresulta sa pagpalpak ng grid at pagdami ng emissions na higit na nakapagpapainit sa planeta.

Bukod dito, pinatitindi ng hindi sapat na imprastruktura at sistema sa pangangalagang pangkalusugan ang pangangailangang umasa sa emergency government support kapag may dumating na kalamidad. “In our assessment this is likely, even in the richest of countries,” saad sa ulat.

Nasa pinakamalalaking siyudad ang halos ‘sangkapat na bahagi ng pandaigdigang populasyon at pinagmumulan ng nasa kalahati ng kabuuang global GDP, ayon sa report.

Karamihan sa pandaigdigang middle class ay nasa Southeast Asia, ang rehiyon na nakaranas ng pinakamabilis na paglobo ng populasyon sa mga lungsod sa nakalipas na mga taon, saad sa ulat.

Ngunit 91 porsiyento ng mga pagkalugi o pagkawala ng ari-arian sa Asia ay walang seguro, dagdag pa ng report, kumpara sa 32 porsiyento sa Amerika, na may pinakamataas na antas ng insurance penetration sa pag-aaral. Reuters