KIDAPAWAN CITY - Nagdeklara ang mga opisyal ng isang barangay sa Matalam, North Cotabato, ng state of calamity dahil sa patuloy na paglalaban ng dalawang grupo ng Moro na nagsimula dalawang linggo na ang nakalilipas.

Sinabi ni Felipe Maluenda, chairman ng Barangay Kidama, na sa pagdedeklara ng state of calamity ay magkakaroon ng awtoridad ang barangay upang gamitin ang bahagi ng calamity funds para sa relief operations.

Inamin ni Maluenda na wala pang katiyakan na ligtas nang makakauwi sa barangay ang evacuees.

Nasa 115 pamilya ang lumikas mula sa Bgy. Kidama dahil sa paglalaban ng dalawang angkan—ang isa ay mula sa Moro National Liberation Front (MNLF) habang ang isa ay mula naman sa Moro Islamic Liberation Front (MILF)—na nagsimula noong Disyembre 31, 2015, dahil sa matagal nang alitan sa lupa.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nasa anim katao na ang nasawi at tatlo ang nasugatan sa dalawang-linggong paglalaban.

Sa Pikit, sa North Cotabato rin, dalawang residente ng Bgy. Rajamuda ang napatay at dalawa ang nasugatan matapos silang maipit sa sagupaan noong nakaraang linggo, ayon sa disaster management officer ng Pikit.

Sinabi ni Tahira Kalantongan, pinuno ng Pikit Municipal Disaster Risk and Reduction Management (MDRRM) office, na isa sa mga napatay ay isang ginang na paalis na ng bahay para lumikas at makaiwas na maipit sa engkuwentro.

Nasapol naman ng ligaw na bala ang isang 10-anyos na lalaki, na tumatakbo at naghahanap ng mapagtataguan sa kainitan ng laban.

Sinabi ni Kalantongan na hindi pa maaaring magsiuwi ang evacuees. (MALU CADELINA MANAR)