Inalis bilang pangulo ng Liga ng mga Barangay ng Parañaque City ang anak ng dating alkalde at aktor na si Joey Marquez na si Jeremy Marquez.
Matapos ang botohan ng mga kapitan ng barangay, lumitaw na 12-4 ang pabor sa pagtatanggal sa puwesto sa nakababatang Marquez dahil sa sinasabing hindi magandang asal nito at paggamit ng kapangyarihan para sa pansariling interes.
Noong Disyembre 23, isang resolusyon ang napagtibay at nagdeklara sa pagbabakante sa nabanggit na posisyon, samantala sa eleksiyong idinaos nitong Disyembre 29 ay nahalal si Chairman Christopher Aguilar, ng Barangay Marcelo Green, bilang kapalit ni Marquez.
Nanumpa para sa kanyang liderato si Aguilar kay Parañaque Regional Trial Court Executive Judge Jaime Guray noong Enero 4 kapalit ni Marquez dahil sa bigong gampanan ng huli ang kanyang gentleman’s agreement kay Aguilar kaugnay ng pagbabahagi ng termino bilang presidente ng Liga.
Sa ilalim ng kasunduan bababa sana sa puwesto si Marquez noong Hunyo 2015 at magbibigay-daan kay Aguilar bilang susunod na pangulo ng Liga sa Nobyembre 2016, bagay na kanilang pinagtalunan.
Iginiit ng batang Marquez na isa umanong punong barangay na opisyal ng lokal na Liga ng mga Barangay ang nagtangkang agawin sa kanya ang liderato ng organisasyon sa pamamagitan ng maling abiso na malinaw na paglabag sa by-laws ng Parañaque Liga.
Kaugnay naman sa umano’y hindi pagsunod sa kasunduan kay Aquilar, iginiit ni Marquez na isa lamang itong mungkahi o panukala na hindi napagtibay at malinaw na hindi pinahihintulutan ng Konstitusyon ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas. (Bella Gamotea)