Laro ngayon
Araneta Coliseum
7 p.m. Globalport vs. Alaska
Aces, tatapusin na ang series; Batang Pier, hihirit.
Ikaapat na sunod na panalo sa semis na maghahatid sa kanila sa Finals ang target ngayong gabi ng Alaska sa kanilang muling pagtutuos ng Globalport sa Game Five ng kanilang best-of-7 semifinals series sa 2016 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Naitala ng Aces ang 3-1 bentahe sa serye kasunod ng naiposteng ikatlong dikit na panalo noong Game Four sa iskor na 109-84 matapos mabigo sa series opener.
Gaya ng dati, nagpakita ang Aces ng matinding depensa at nilimitahan ang Batang Pier sa 42 porsiyentong shooting sa field kabilang na ang 9-of-37 sa 3-point arc para rumolyo sa malaking panalo.
Hindi pa rin lumalamig ang mainit na enerhiya at pagiging masigasig ni Calvin Abueva na siyang namuno sa naturang panalo sa itinala nitong 20 puntos, 13 rebounds at 3 assists.
Ngunit para kay Aces coach Alex Compton, ang pagtutulungan ng kanyang koponan partikular sa kanilang pangunahing pambatong depensa ang siyang naghatid sa kinalalagyan nila ngayon.
Gayunpaman, hindi aniya nila maaaring maliitin sa puntong ito ang kakayahan ng kanilang kalaban.
“I cant ask for anything more. I thought the guys responded real well, “ ani Compton. “Nobody can stop Pringle (Stanley) and Romeo(Terrence) one on one. We need a lot guys to defend them. It makes me proud to coach this team with their team effort. I hope we can finish it on Game Five, but we don’t underestimate Globaport.”
Ngunit bukod sa depensa ng Aces, naniniwala si Batang Pier ace guard Stanley Pringle na malaking bagay din sa kanilang dinanas na ikatlong sunod na kabiguan ang kanilang masamang shooting.
“We’ve been shooting badly,” ani Pringle. “We’re just going to keep shooting and try to get our rhythm back.”
At kahit naiiwan na ngayon ng dalawang panalo, hindi naman basta-basta magtataas na lamang ng puting bandila ang Batang Pier ayon kay Pringle.
“I’m not going to knock our team out. We still can come back and we’re going to fight. If we hit our shots, it’s going to be a different ballgame.”
Sinegundahan naman ito ng kanyang ka-tandem na si Terrence Romeo.
“Mahirap, hindi kami maka-connect ng shots namin Pero positive pa rin kami na makaka-bounce back pa kami.”
Samantala, para naman kay Globalport Pido Jarencio, kailangan lamang ng kanyang players na dagdagan pa ang kanilang tiyaga at pasensiya at huwag mawawalan ng tiwala sa sarili.
“Konting tiyaga pa. Kasi apat-apat ang pinagpapalit-palit nila para bantayan si Terrence at si Stanley, kahit yung ibang players namin. Ibig sabihin ganun kalaki ang respeto sa kanila ng Alaska dahil itinuturing silang malaking threat,” ani Jarencio.