Bagong taon, bagong revenue target—at mga bagong Customs collector.
Papalitan na ang mga retiradong opisyal ng militar bilang mga port collector ng Bureau of Customs (BoC) sa pagpapatupad ng election ban, sa paglilipat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, na naging epektibo kahapon.
“Lahat ng (retiradong) heneral maliban sa isa,” pahayag ni Belle Mastro, acting chief ng BoC Public Information and Assistance Division.
Ang nag-iisang mananatili sa puwesto mula sa hanay ng mga retiradong heneral ay si Ricardo Butalid, collector ng Port of Davao.
Base sa mga dokumentong nakalap, lumitaw na itinalaga si Reynaldo Galeno bilang kapalit ni Ernesto Benitez Jr. sa Port of Batangas, Nicky Earl Hortillas bilang kapalit ni Mario Mendoza sa Port of Manila, at Cecilio Vicente Gallo bilang kapalit ni Esteban Castro sa Clark, Pampanga.
Itinalaga rin si Antonio Pascual bilang bagong collector ng Manila International Container Port (MICP), kapalit ni Elmir de la Cruz; si Romeo Allan Rosales sa Port of San Fernando; at Felimon Pura sa Limay, Bataan.
Si Atty. Rico Rey Holganza ang itatalaga sa Port of Cebu kapalit ni Arnulfo Marcos; at si Benhur Arabani ang papalit kay Jerry Loresco sa Port of Zamboanga.
Sinabi ni Maestro na ang desisyon ng Department of Finance (DoF), na nangangasiwa sa BoC, na tuldukan na ang serbisyo ng mga retiradong heneral ay bunsod ng hindi pag-apruba ng Kongreso sa Office of Revenue Agency Modernization (ORAM).
“Walang karagdagang supplemental budget kaya wala silang suweldo. Dahil dito, hindi opisyal ang kanilang pagkakatalaga sa puwesto,” ani Maestro. (Raymund F. Antonio)