Magbubukas ng karagdagang checkpoint ang Philippine National Police (PNP) sa mga estratehikong lugar sa bansa kaugnay ng inilatag na seguridad ngayong panahon ng eleksiyon.

Pinaalalahanan ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, ang publiko na nagsimula nang ipatupad ang nationwide gun ban noong Enero 10 at ito ay magtatapos sa Hunyo 8.

“We would like to remind the public, especially gun owners, that all the privilege to carry your firearms outside your houses are no longer allowed, except if you are able to get an exemption from the Comelec (Commission on Elections),” ayon kay Mayor.

Maging ang mga sundalo at pulis ay hindi maaaring magbitbit ng baril kung hindi sila naka-duty, giit ng opisyal.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ang sumusunod ang checkpoint guidelines na inilabas ng PNP:

1) Limitado ang pag-iinspeksyon ng pulisya sa nakikita nila sa loob ng sasakyan.

2) Dapat may sapat na ilaw, may kaukulang identification, at nakasuot ng general office attire (GOA), hindi combat o camouflage uniform, ang mga pulis na nagmamando sa checkpoint.

3) Dapat mayroong sign na nagsasaad na ito ay isang police checkpoint, pangalan ng team leader at may marked police vehicle na nakaparada.

4) Dapat na magdahan-dahan ang motorista habang papalapit sa checkpoint, i-dim ang headlight at buksan ang cabin light. Huwag lalabas ng sasakyan.

5) Hindi dapat pumayag ang motorista na kapkapan ng mga pulis.

6) Hindi obligado ang mga motorista na buksan ang glove compartment, trunk o kanilang mga bag.

7) Dapat maging magalang ang motorista sa pagsagot sa routine question.

8) Dapat igiit ng motorista ang kanyang karapatan, maging laging alerto ang isip at huwag mag-panic.

9) Dapat laging nakahanda ang driver’s license at car registration ng motorist.

10) Dapat nakahanda ang cell phone sa lahat ng oras.

11) Maaari lamang inspeksiyunin ng pulisya ang sasakyan o kapkapan ang mga driver kung mayroong “reasonable grounds”, lalo na kung ang sasakyan ay posibleng ninakaw o ginamit sa krimen. (AARON RECUENCO)