Iniaasa na lamang sa susunod na magiging Pangulo ng bansa ang posibleng pagpapatayo ng inaasam National Training Center matapos ang huling pag-uusap ng Clark International Airport Corp. (CIAC) at ahensiya ng gobyerno sa sports na Philippine Sports Commission (PSC).

Ito ay matapos ipaalam mismo ni CIAC president/CEO Atty. Emigdio Tanjuatco III sa pamunuan ng PSC at mismong Phiippine Olympic Committee (POC) na hintayin na lamang ang mahahalal na susunod na pangulo ng Pilipinas para sa pagdedesisyon sa inaasam nitong lupain sa loob ng Clark, (Pampanga.)

Idinahilan mismo ni Tanjuatco III ang kapos na panahon sa natitirang anim na buwan bago isagawa ang national election sa Mayo 9 para sa kinakailangang pagdedesisyon ng mga bumubuo sa CIAC Board.

Gayunman, sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na patuloy nilang isusulong ang pagpapatayo ng national training center na kinukonsidera nitong makakatulong ng malaki para sa pagpapataas ng kalidad at pag debelop sa lahat ng mga miyembro ng pambansang koponan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We will still pursue the creation of the national training center,” sabi ni Garcia. “We will be coordinating with the Philippine Olympic Committee (POC) with regards to the matter.”

Ipinaliwanag naman ni Garcia na bagaman nagpahayag na si Tanjuatco III hinggil sa posisyon ng CIAC Board, naninindigan sila sa una nilang panukala para makamit ang inaasam na 50-ektaryang lupain.

“We maintain previous proposal,” sabi ni Garcia. “While the current administration contends that is not a problem, we will not soften the other terms and conditions even though the property is within the economic zone. This is relatively an agreement from government to government, unlike in business or of a profit-oriented company.”

Una nang hiniling ng POC kay Tanjuatco matapos na maupo sa posisyon sa CIAC noong Oktubre 2014 kung may lupain sa Freeport Zone na magagamit para sa pagtatayo ng athletes’ training center. (ANGIE OREDO)