MINNEAPOLIS (AP) – Bago magsimula ang laro laban sa katunggaling Dallas Mavericks, pinuri pa ni Minnesota Timberwolves coach Sam Mitchell ang kakayahan ni Dirk Nowitzki na dalhin ang koponan sa kanyang pangunguna matapos ang 17 NBA seasons.
At ‘tila nag-dilang anghel yata si Mitchell makaraang tumapos si Nowitzki ng 29 puntos, kabilang na rito ang isang crucial na three-point play at pagsagip sa isang key loose ball sa huling segundo ng laban, upang pangunahan ang paggapi ng liyamadong Mavericks sa Timberwolves, 93-87, nitong Linggo (Lunes sa Pilipinas).
“Classic Dirk,” saad ni teammate Deron Williams nang tanungin kung paano mailalarawan ang inilaro ni Nowitzki.
“Hitting shots from everywhere, making big shots, big plays. That’s why he’s one of the greatest.”
Isinalpak ni Nowitzki ang bonus na free throw matapos ma-foul habang tumitira ng isang mid-range jumper, may 1:30 segundo pa ang nalalabi sa huling yugto ng laban. May pagkakataon pa sanang mabawi ng Timberwolves ang kalamangan subalit mintis ang three-pointer ni Ricky Rubio kung saan agad namang kinuha ni Nowitzki ang bola sa huling 16 na segundo upang ganap na selyuhan ang kanilang panalo.
Subalit hindi naging madali ang laban para kay Mavs coach Rick Carlisle matapos makakuha ng katiting na suporta sa iba pang Dallas players.
Hindi masyadong nakapag-ambag ang eksplosibong tambalan nina Wesley Matthews at Wlliams matapos tumira lamang ng kabuuang 3 for 18 field goal. Sumabak sila sa laban na mayroong 14.5 at 13.2 puntos na average kada laro, ayon sa pagkakasunod.
“One of the things we want to do is take some of the burden off of him. But there’s night like tonight where it’s unavoidable,” paliwanag ni Carlisle.
Matapos sumubok ng 44 na three-pointers kontra sa Milwaukee Bucks noong Biyernes, pumukol ng 20 tres ang Mavericks – isa sa mga nangungunang teams pagdating sa 3-point attempts – laban sa Timberwolves. Sa 20 tira mula sa ‘rainbow country’, anim ang kanilang naipasok at apat dito ay galing kay Nowitzki.
“In the end, they were playing some small ball and we had some matchups up there,” sabi ng 37 taong gulang na si Nowitzki. “The guys kept coming to me, and I thought defensively it was a good effort today.”
Tumapos si Andrew Wiggins ng 21 puntos habang nagdagdag naman si Shabbazz Muhammad ng 16 marka para sa Timberwolves, natalo ng anim na sunod na laro at sampu sa kanilang huling 11 laban.
Sa iba pang laro,napantayan ni Lebron James ang kanyang season high 37-puntos upang pangunahan ang Cleveland kontra Philadelphia, 95-85 sa Wells Fargo Center sa Philadelphia.
Ang panalo ang ika-13 ng Heat sa kanilang huling 15 laro.
Kumolekta si Zach Randolph ng double-double 25 puntos at 13 rebounds at binura ng Memphis Grizzlies ang isang 21-puntos na pagkakabaon para talunin ang Boston Celtics, 101-98.
Nagkagulo pa ang mga opisyal matapos maipasok ni Isaiah Thomas ang game-tying three-pointer para sa Celtics subalit sinabi ng mga referees na tumunog na ang final buzzer.
Isang season-high 24 puntos naman mula kay Trevor Ariza at isang go-ahead three-point shot ang ibinato ni Corey Brewer sa overtime para tulungang makaalpas ang Houston Rockets kontra Indiana Pacers, 107-103. (Martin Sadongdong)