Magbabalik si Thomas Lebas para sa tangkang pagtatanggol ng kanyang titulo sa darating na 2016 Le Tour de Filipinas na inihahatid ng Air 21 at nakatakdang sumikad sa Pebrero 18 sa Antipolo City.

Sa unang pagkakataon sa loob ng una nitong pitong taon, magtutungo ang karera sa katimugang bahagi ng Luzon partikular sa lungsod ng Legaspi sa Albay kung saan matatagpuan ang tanyag sa halos perpektong konong hugis na Mayon Volcano.

Si Lebas, na kakatawan sa koponan ng Bridgestone Anchor Cycling Team ay inaasahang makakaranas ng matinding kompetisyon sa may 74 pang mga siklistang kalahok at bumubuo sa 15 koponan ng karera.

Sa nasabing 15 mga koponan, tatlo ay kinatawan ng bansa na kinabibilangan ng Philippine National Team, 7-Eleven Road Bike Philippines at Kopiko Cebu Cycling Team.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang mga national cyclists na sina George Oconer at Ronald Oranza ay inaasahang muling mangunguna para sa national team habang ang mga beterano at dating kampeong si Baler Ravina at Felipe Marcelo naman ang siyang mamumuno sa 7-Eleven squad.

Kinakailangan ng mga nabanggit na Pinoy cyclists at ng kanilang mga kakampi na maging handa sa nakatakda nilang pakikipagsabayan sa mga international teams na kinabibilangan ng Minsk Cycling Club (Belarus), Skydive Dubai (UAE), Team Ukyo (Japan), Team Novo Nordisk (USA), Global Cycling Team (Netherlands), Sauerland p/b Henley and Partners (Germany) , LX IIBS Cycling team (Korea), Koraii Continental Cycling Team (Korea), Terengganu Cycling team (Malaysia), Attaque Team Gusto (Taiwan) at Black Inc Cycling Team (Laos).

“The clamor of foreign teams to race in the country has grown each year that we have to turn down many of them,” pahayag ni Donna May Lina, Chairman ng Le Tour de Filipinas organizing committee.

“In line with our name, we really aim to see every inch of kilometer of the Philippines,” dagdag niya.

Sisimulan ang karera sa pamamagitan ng Stage one na isang 153-kilometrong massed start race mula Antipolo City hanggang Lucena City sa Quezon.

Susundan ito ng Stage two na binubuo ng distansiyang 204 na kilometro mula Lucena hanggang Daet,Camarines Norte.

Pagkatapos nito ay ang penultimate stage na may layong 187-kilometro mula Daet hanggang Legazpi City at magtatapos sa pamamagitan ng out-and-back route sa Legazpi City kung saan lilibutin ng mga siklista ang paligid ng Mayon Volcano ng dalawang beses na may layong 147-kilometro.

“I treat this as a big development for the city,” ayon naman kay Legazpi Mayor Noel Rosal.

“I’m so excited that this time we will really host and I assure everyone that we are really preparing in making this one of the biggest events of 2016,” dagdag pa niya.

Sa kabuuan, ang International Cycling Union Category 2.2 karera ay may kabuuang distansiyang 691 na kilometro at magkakatulong na itataguyod ng MVP Sports Foundation, Smart,Petron, Phenom Athletic Apparel, S-Link at Novo Nordisk at susuportahan ng Collab, Rainforest Natural Mineral Water, Prudential Guarantee, NMM at ng UFL.

(Christian Jacinto)