Gaya ng dati, muling sinandalan ng San Sebastian College ang husay pagdating sa serving at spiking ni reigning MVP Gretchel Soltones upang magapi ang College of St. Benilde, 25-20, 22-25, 25-17, 25-18, at ganap na mawalis ang eliminations para direktang pumasok sa Finals ng women’s division ng ginaganap na NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena noong Linggo ng hapon.

Ipinakita muli ni Soltones ang mala-halimaw sa lakas niyang services at spikes at nagtala ng game-high 32 puntos na kinapapalooban ng 24 na hits, 6 na service aces at 2 blocks upang ihatid ang Lady Stags sa kanilang ika-9 na sunod na panalo.

Dahil sa kanilang pagwawalis sa eliminations, bitbit ng Lady Stags ang bentaheng thrice-to-beat papasok ng championship round.

“Inspired lang talagang maglaro yung bata,” pahayag ni San Sebastian coach Roger Gorayeb patungkol kay Soltones.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Maghinhintay na lamang si Soltones at ang kanyang mga kakampi ng kanilang makakalaban mula sa kasunod nilang tatlong koponan na dadaan naman sa stepladder semifinals na kinabibilangan ng defending champion Arellano University (8-1), University of Perpetual Help (7-2) at College of St. Benilde (6-3).

Magsisimula ang stepladder semis ngayong araw na ito kung saan magtutuos sa isang knockout match ang Lady Altas at ang Lady Blazers.

Ang magwawagi sa laro ang haharap sa Lady Chiefs sa isa pang knockout game para sa karapatang makaharap ng Lady Stags sa championship.