Ang pagkontrol sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagbibigay ng mas mataas na suweldo sa mga manggagawa ang nananatiling dalawang urgent national concern ng halos kalahati ng populasyon ng mga Pilipino, batay sa mga resulta ng huling Pulse Asia survey na inilabas noong Enero 11, 2016.
Sa nationwide survey na isinagawa noong Disyembre 4 hanggang 11 sa 1,800 respondent, lumabas na ang most urgent national concerns ng mga Pilipino ay karamihang may kinalaman sa ekonomiya -- pagkontrol sa inflation (45 porsyento) at pagdagdag sa suweldo ng mga manggagawa (42 porsyento).
Halos 38 porsyento ng mga Pilipino ang nababahala sa pagharap sa kahirapan, habang 34 porsyento ang inaalala kapwa ang paglikha ng mas maraming trabaho, at paglaban sa katiwalian sa gobyerno.
Samantala, ang kriminalidad ay isang isyu na tinukoy bilang urgent ng 25 porsyento ng mga Pilipino.
Tanging wala pang isang quarter ng populasyon ang itinuturing ang kapayapaan (19 porsyento) at rule of law (16 porsyento) bilang most urgent concern.
Hindi rin gaanong nababahala ang mga Pilipino sa mabilis na paglago ng populasyon (7 porsyento), kapakanan ng overseas Filipino workers (7 porsyento), territorial integrity (4 porsyento), charter change (3 porsyento), at terorismo (3 porsyento) bilang mga isyung nangangailangan ng agarang atensyon ng administrasyong Aquino.
Ang natatanging pambansang isyu na binanggit na urgent sa alinmang geographic area at socio-economic group ay ang inflation na natukoy bilang urgent national concern ng 54 porsyento ng mga residente ng Mindanao. (ELLALYN DE VERA)