MATAGAL nang naidaos ang Metro Manila Film Festival (MMFF), subalit hindi ko makita hanggang ngayon ang lohika kung bakit sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ipinagkatiwala ang pangkalahatang pamamahala sa naturang okasyon. Ang pangunahing misyon ng nasabing tanggapan ay nakatuon sa pagsasaayos ng buhul-buhol na trapiko, paglilinis ng mga baradong imburnal at pagsaklolo sa mga biktima ng kalamidad; wala akong makitang tuwirang kaugnayan nito sa produksiyon ng mga pelikulang Pilipino.

Maliwanag na ito ang dahilan kung bakit laging ginigimbal ng mga pagdududa ang taunang selebrasyon ng MMFF.

Sumusulpot ang mga protesta hinggil sa pamantayan ng pagpili sa mga kalahok na pelikula, kabilang na rito ang mismong mga artista na karapat-dapat pagkalooban ng karangalan.

Maliwanag na ito rin ang dahilan ng napipintong Congressional investigation kaugnay ng sinasabing mga katiwalian sa nakaraang MMFF. Uugatin ng mga mambabatas ang umano’y nakapaghihinalang partisipasyon ng MMDA sa nakaraang pista ng mga pelikulang Pilipino.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Magugunita na ang MMFF ay pagpapatuloy lamang ng orihinal na Manila Film Festival (MFF) na sinimulan ng yumaong si Manila Mayor Antonio Villegas, maraming dekada na ang nakalilipas. Sa isang Executive Order, ang Mayor ay itinuturing lamang na ministerial chairman ng naturang selebrasyon. Ang malaking misyon nito ay nakaatang sa balikat ng mga haligi ng pelikulang katutubo na tanging may pananagutan sa pagpili sa mga kalahok na pelikula at sa mismong mga artista na tatanghaling pinakamagagaling sa kani-kanilang larangan ng pagganap. Personal kong naobserbahan ang maingat na pagtupad sa tungkulin ng mga tuwirang may kaugnayan sa MFF. Wala akong nasaksihang mga alingasngas sa simula hanggang sa katapusan ng nasabing selebrasyon.

Maaaring imatuwid ng MMDA na sila ay tumutupad lamang sa isang EO na inaprubahan ng nakalipas na administrasyon.

Ibig sabihin, kahit na wala silang kaalam-alam sa pagsusuri at pagtimbang sa kalidad at kantidad ng mga pelikulang

Filipino, pipilitin nilang gampanan ang isang misyong iniatas sa kanila.

Panahon na upang pawalang-bisa ang naturang EO. Ang pagpapaubaya sa MMDA sa hangaring paunlarin ang katutubong pelikula ay mistulang pagpatay sa naturang industriya. (CELO LAGMAY)