ANG alinmang pangangampanya sa eleksiyon ay nangangailangan ng daan-daang milyong pisong pondo. Para sa isang kandidato sa pagkapangulo, nangangahulugan ito ng sangkatutak na pondo para sa makinarya ng malawakang tagakampanya, isang network ng mga kakilala ng mga lokal na opisyal at iba pang pinuno, mga rally sa malalaking bayan at siyudad, pakikipagkamay sa daan-daang libong katao sa mga palengke at plaza, at pagpapaabot ng mensahe sa mass media, partikular na sa telebisyon.
Alinsunod sa Election Law, ang RA 7166, ang isang kandidato sa pagkapresidente o para bise presidente ay maaaring gumastos ng P10 sa bawat botante, habang ang isang partido pulitikal ay maaari namang maglaan ng P5. Dahil may 54 na milyong botante sa eleksiyon ngayong taon, nangangahulugan ito na ang isang kandidato sa pagkapangulo ay hindi dapat na lumampas sa P540 milyon ang gastusin sa kampanya, at P270 milyon naman sa partido.
Kung ikokonsidera ang inflation sa nakalipas na 25 taon, ang mga limitasyong ito sa paggastos ay malinaw na hindi na makatotohanan. Noong nakaraang taon, naghain si Rep. Salvio Fortuno, ng Camarines Sur, ng panukala na magtatakda ng bagong limitasyon sa paggastos ng isang kandidato sa pagkapresidente, na mula sa P10 ay gawing P34 kada botante—o P1.83 bilyon para sa 54 na milyong botante ngayong taon—matapos na ikonsidera ang pagbaba ng halaga ng piso simula noong 1991, nang maging epektibo ang RA 7166.
Nananatiling nakabimbin ang panukala sa Kongreso. Kahit ang panukalang limitahan sa P1.83 bilyon ang gastusin ay maaaring hindi sapat para sa ilang beteranong pulitiko. Noong nakaraang linggo, nabunyag sa research report ng A. C. Nielsen na sa kasalukuyan ay gumastos na ang pambato sa pagkapresidente ng Liberal Party na si Mar Roxas ng P774 milyon sa campaign ads noong 2015; kasunod ang kandidato sa pagkapangulo ng United Nationalist Alliance na si Jejomar Binay, P695 milyon; ang independent candidate na si Sen. Grace Poe, P694 milyon; at ang pambato ng PDP-Laban na si Mayor Rodrigo Duterte, P129 milyon. Ito ay para lamang sa campaign ads at para lang sa taong 2015, at may natitira pang apat na buwan bago ang halalan sa Mayo 9.
Sinusuwerte naman ang mga kandidatong ito matapos na igiit ng Korte Suprema na sa aktuwal na panahon lang ng pangangampanya—na magsisimula sa Pebrero 9—magkakaroon ng paglabag sa election law.
Ang gastusin na tinaya ng Nielsen ay hindi maikokonsidera kapag sinuri na ng Comelec ang kabuuang ginastos ng mga kandidato matapos ang eleksiyon.
Gayunpaman, nariyan pa rin ang pangangailangan para sa isang mas makatotohanang taya sa gastusin sa pangangampanya.
Sa isa sa mga nakalipas na eleksiyon, napaulat na isang kandidato ang nagsabing ang isang malawakang pangangampanya ng isang kandidato sa pagkapangulo ay mangangailangan ng P6 bilyon budget. Hindi naman marahil ganito kagastos, ngunit ang kasalukuyang limitasyon na P540 milyon ay sadyang hindi na makatotohanan. Dapat itong amyendahan, kung hindi man para sa eleksiyon sa Mayo, ay maipatupad na sa susunod na halalan.