Hiniling sa Korte Suprema ng mga may-ari ng lisensiyadong baril na ipag-utos sa Commission on Elections (Comelec) na payagan ang mga pribadong mamamayan na mayroong Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) na makapagbitbit ng baril kahit may ipinatutupad na election gun ban.

Sa 44-pahinang petition for mandamus, kinuwestiyon ng pro-gun group na Go Act at ng mga licensed firearm owner na sina Eric Acosta, Nathaniel de la Paz, at Atty. Rodrigo Moreno ang umiiral na gun ban dahil inilalantad umano sila nito hindi lang sa panganib ng mga kriminal kundi sa ilegal na pagkakaaresto.

Kabilang sa mga respondent sa petisyon ay sina Comelec Chairman Andres Bautista at PNP Chief Director General Ricardo Marquez.

Hiniling din ng mga petitioner sa Korte Suprema na maglabas ng status quo ante (SQA) order at preliminary mandatory injunction na mag-aatas sa Comelec na simulan ang pagtanggap ng aplikasyon ng mga pribadong mamamayan na may PTCFOR para sa exemption sa gun ban.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Inihirit din ng grupo na kilalanin ng Comelec ang mga balidong PTCFOR sa panahon ng eleksiyon.

“As discussed, Respondents have violated Petitioners’ clear legal right to a PTCFOR and to carry their firearms outside their residence. Respondents have likewise violated petitioners’ right to equal protection of the law, by ignoring their right to bear their firearms yet at the same time granting such right to government officials who are similarly situated as petitioners,” ayon sa pro-gun group.

Noong Nobyembre 13, 2015, inilabas ng Comelec ang Resolution No. 10015 na nagsasaad ng mga panuntunan sa pagpapatupad ng gun ban sa panahon ng halalan. (Leonard D. Postrado)