KUYA GERMS copy copy

PATULOY ang pagbuhos ng pagmamahal ng mga taong nakikiramay sa yumaong showbiz icon, star builder at Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno na nakaburol (hangang ngayong araw) sa Mt. Carmel, New Manila, Quezon City.

Hindi mahirap ilarawan sa imahinasyon na marahil ay nakangiti si Kuya Germs ngayon saan man siya naroroon dahil napatunayan niya na marami ang nagmamahal sa kanya, lalung-lalo na ang mga natulungan niya sa pamamagitan ng mga programa niya sa telebisyon – That’s Entertainment, Walang Tulugan, Negosiete, Germincide, Germspecial, Daigdig ng Mga Artista, at GMA Supershow.

Gabi-gabi ay super star-studded na parang blockbuster hit na pelikula ang napakaraming nakikiramay.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa Miyerkules ay ililipat ang mga labi ni Kuya Germs sa GMA Network, sa mismong studio ng Walang Tulugan With The Master Showman bago siya ihahatid sa kanyang huling hantungan sa Loyola sa Marikina City, kinabukasan January 14.

Last Saturday ay nagkaroon ng live presentation ang Walang Tulugan na ginawa mismo sa Mt.Carmel grounds. Present ang mga taong nagmamahal kay German na isa-isang nag-alay ng song numbers, kagaya nina Pilita Corrales, Dulce, Martin Nieverra, Michael Pangilinan at marami pang iba.

Nagbigay ng pamamaalam sa Master Showman ang dating talents ng That’s Entertainment na kinabibilangan ng magpinsang Sunshine Cruz at Sheryl Cruz, Ara Mina, Coun. Precious Hipolito-Castelo kasama ang asawang si Cong. Winston Castelo, Jaypee de Guzman, Jean Garcia, Jun King Austria, Gladys Reyes, Romano Vasquez, Manilyn Reynes, Tina Paner at maraming iba pa.

Dumating din at nakiramay sina Susan Roces, Gloria Romero, Lorna Tolentino, Ai Ai delas Alas, Zoren Legaspi, Carmina Villarroel, Gelli de Belen, Randy Santiago, ang mag-amang Niño at Alonzo Muhlach at marami pang iba.

Halos gabi-gabi naman ay nasa burol si Manila Vice-Mayor Isko Moreno. Pangalawang ama na ang turing ng tumatakbong senador sa Master Showman dahil napakalaki ng naitulong ni Kuya Germs kay Isko. Aminado si VM Isko hindi raw niya mararating ang kinalalagyan niya ngayon kung hindi sa pagtitiyaga sa kanya ni Kuya Germs.

Hindi naman napigilan ni Dawn Zulueta na maging emosyonal sa wake ni Kuya Germs. Ang aktres ay isa sa naging co-hosts ni Master Showman sa GMA Supershow noon.

“Iba na ang show business, wala na si Kuya Germs. Ang dami niyang tinulungan. Kasama na ako doon,” humahagulgol na sabi ni Dawn.

Pero kahit wala na si Kuya Germs, nagpahayag si Dawn na ipagpapatuloy na lamang nila ang mga kabutihang itinuro at ipinakita sa kanila ng yumaong TV host/comedian.

Kahit nawalan na ng masasandalan, umaasa pa rin naman ang anak ni Kuya Germs na si Federico at si John Nite na maipagpapatuloy nila ang mga sinimulan ni German at kasama na rito ang taunang pagkilala sa showbiz sa pamamagitan ng Stars Walk of Fame sa Eastwood City.

Pero nanghihinayang ang kausap namin na nakamatayan na ni Kuya Germs ang matagal na niyang pangarap na gawing City of Stars ang Quezon City. Ang sabi, maraming beses na rin naman daw kinatok ni German si QC Mayor Herbert Bautista para magpasa ng isang ordinansa sa konseho hinggil dito.

Isa rin sa mga pinangarap ni German Moreno ang pagsasaayos ng Metropolitan Theater bagamat sa pagkakaalam ng aming source ay may naibigay nang mga paunang pondo para sa rehabilition nito bagamay hindi na malaman kung nasaan na ang naturang pera. (JIMI ESCALA)