Sa tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, hinimok ng recruitment industry ang gobyerno na simulan nang mag-isip ng mga bagong programa para sa mga overseas Filipino worker (OFW), na maaaring mawalan ng trabaho dahil sa pagsisimula ng paghihigpit ng mga bansang mayaman sa langis sa Middle East.
Ibinunyag ni LBS Recruitment Solutions Corp. President Loreto “Lito” Soriano na tinataya nilang mas kakaunting OFW ang ipadadala sa Middle East kapag nagpatuloy ang pagbaba ng presyo ng langis sa Hunyo.
Sinabi niya na ang pagbaba ng kita mula sa langis ang nagtulak sa ilang bansang Arab na ipagpaliban ang ilang infrastructure project at puwersahin ang ilang kumpanya ng langis na magbawas ng gastos.
Binanggit ng recruitment leader ang kaso ng kanilang deployment sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA), na napansin na nilang bumaba ang bilang ng mga Saudi employer na dumating sa bansa para kapanayamin ang kanilang mga aplikante.
Gayunman, kaagad niyang idinagdag na sa ngayon ay nananatiling matatag ang deployment sa KSA.
Ang KSA ang kasalukuyang pangunahing bansa na pinupuntahan ng mga OFW sa Middle East.
Kabilang sa mga OFW na maaapektuhan ng economic crises sa rehiyon ay iyong mga nagtatrabaho sa construction at oil industry.
Sinabi ni Soriano na dapat ngayon pa lamang ay simulan na ng gobyerno ang pag-iisip ng bagong contingency plan sakaling lumala ang sitwasyon.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong tinatayang 2 milyong OFW sa KSA lamang at milyong iba pa ang nasa ibang bansa sa Middle East. (Samuel Medenilla)