Pinabulaanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga napaulat na watak-watak ang poll body dahil sa sigalot sa pagitan nina Chairman Andres Bautista at Commissioner Rowena Guanzon.

“Projecting the Comelec in disarray is not accurate. There is just some misunderstanding in the process of filing,” sinabi ni Bautista sa pulong balitaan sa Comelec main office.

Aniya, tatalakayin ng Comelec en banc ngayong Martes ang legalidad ng komento na inihain ni Guanzon sa Korte Suprema noong nakaraang linggo.

Noong Biyernes, naglabas si Bautista ng memorandum na nag-aatas kay Guanzon at sa law director ng tanggapan na magpaliwanag sa loob ng 24-oras kung bakit sila nagsumite ng komento sa Supreme Court hinggil sa pagkakadiskuwalipika ng Comelec kay Sen. Grace Poe nang walang awtorisasyon mula sa en banc.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Subalit inihirit ni Guanzon sa kanyang statement noong Enero 5 na hindi inoobliga ng en banc ang lahat ng miyembro nito na repasuhin o aprubahan ang isang komento, dahil ito ay dapat na maisumite sa SC sa lalong madaling panahon.

Iginiit naman ni Bautista na ang nangyayaring sigalot sa kanilang hanay ay magpapalakas pa sa Comelec bilang isang institusyon.

“As much as possible, these things I don’t want anymore to elaborate on these issues,” giit ng Comelec chief.

Wala ring balak si Bautista na ibato ang sisi sa ano mang grupo tungkol sa mga kaganapan sa Comelec.

“It’s like in a family, sometimes there are little squabbles...but as I said this may become an opportunity to strengthen the Comelec,” pahayag ng opisyal. (LESLIE ANN AQUINO)