ANG mga taga-Angono, na malapit sa tabi ng ilog, ay may tugpahan o labahan. Naglagay ng isang malaking tipak ng buhay na bato at doon nila tinutuktukan ng palu-palo ang mga nilalabhan nilang damit. At kung Sabado at Linggo naman, ang mga binata at dalaga ay masayang namamangka.Ang ginagamit na bangka ay hinihiram nila sa mga kamag-anak na mangingisda sa Laguna de Bay, na ang mga bangka ay may gantungan sa tabi ng ilog malapit sa bahay.

Ang masayang pamamangka ay umaabot sa bukana ng ilog ng Angono na kaugnay na ng Laguna de Bay. Ang iba naman ay nakararating sa Sitio Paso, Barangay San Roque, na dulo ng ilog at lampas bukong-bukong na malakas ang agos ang malinaw na tubig mula sa bundok. Ang ilog ng Angono ay nasa pagitan ng mga Barangay ng Poblacion Ibaba, Poblacion Itaas San Vicente, San Isidro at San Roque.

Sa ilog ng Angono, na paahon sa bundok, dumadayo ng paglababa ang mga taga-Angono kapag Sabado. Dumadayo at doon din naglalaba araw-araw ang mga taga-Taytay, sapagkat malinaw at malakas ang agos ng tubig pababa sa bayan. Sa isang bahagi at tabi ng ilog ay matatagpuan naman ang kung tawagin ay “Sapang Dulangan”. May malapad na batong buhay, at sa ibaba nito ay ang lampas-tao na tubig ng ilog-Angono. Sa linaw ng tubig, nakikita ang batong maliliit at buhangin, maging ang mga dalag at kambungayngay.

Sa Sapang Dulangan naliligo nang hubo’t hubad ang mga binatilyo at binatang taga-Angono. Ang baybay-ilog paahon sa bundok ay may mga tanim na mangga, duhat, at kasoy, na kung tag-araw at panahon ng pamumunga ay namumulot at namimitas sila.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa paglipas ng panahon, nagbago ang ikot ng buhay sa Angono, lalo na sa kapaligiran. Ang ipinagmamalaking ilog ng Angono ay naapektuhan, sapagkat noong 1967, sa pahintulot ng mayor noon at sa sabwatan umano ng ilang maiimpluwensiyang tao, pinayagan at binigyan ng permit na magtayo ng malaking “crushing plant” na Concrete Agregates.

Palibhasa’y mina ng mahusay na bato ang bahagi ng bundok ng Angono sa Barangays San Roque at San Isidro, naging puspusan ang pagdurog sa bundok para makuha ang batong Angono.

Nagtayo ng hugasan ng nadurog na bato, at naharang ang tubig pababa sa bayan. Dahil dito, naramdaman ang uni-unting pagkamatay ng ilog, lumabo ang tubig sapagkat kasama sa inaagos ang malapot na pinaghugasan ng mga batong dinurog.

Ganito rin kapag bumabaha, nagkaroon na ng siltation o bumabaw ang ilog. Nawala ang mga isda, at kung tag-araw, ang ilog ay para na lamang sapa.

At habang nagpapatuloy ang operation ng crushing plant, kasama na ring nadurog at naglaho ang Sapang Dulungan at “Banyo ng Pari” sa ilog. Nawala na rin ang dinarayo sa paglalaba ng mga taga-Angono at mga taga-Taytay. Hindi na rin maipasok sa ilog ng Angono ang mga bangka ng nangisda sa Laguna de Bay. (CLEMEN BAUTISTA)