Mahigit isang milyong mag-aaral sa Grade 4 sa mga pampublikong paaralan ang unang pagkakalooban ng libreng dengue vaccine ng Department of Health (DoH) bago magbakasyon.

Ayon kay Dr. Lyndon Lee Suy, tagapagsalita ng DoH, ang mga naturang Grade 4 student ay mula sa mga pampublikong paaralan sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon (Region 4-A) at iba pang rehiyon, na may pinakamaraming kaso ng dengue na naitatala.

Sisimulan, aniya, ng DoH ang pagbabakuna sa mga ito sa Marso o bago matapos ang school year.

Nilinaw naman ni Suy na bibigyan lang ng bakuna ang mga bata kung papayag ang mga magulang ng mga ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang ibibigay, aniya, sa mga bata sa Marso ay unang shot pa lang ng vaccine.

Ang ikalawang shot ng bakuna ay ipagkakaloob naman sa mga bata sa Setyembre 2016 habang ang ikatlong shot ay ibibigay sa Marso 2017.

Aniya pa, ang magbibigay ng bakuna sa mga bata ay mga health worker na sumailalim sa proper orientation.

Masusi, aniya, silang makikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) para sa implementasyon ng kanilang dengue vaccine program.

Ayon sa DoH, P3.5 bilyon ang pondong inilaan ng kagawaran sa dengue vaccine, na magmumula sa sin tax revenue ng gobyerno. (Mary Ann Santiago)