Sinabi ng vice presidential candidate na si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano na nag-inhibit na siya sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao sa Enero 25, ang unang anibersaryo ng trahedya.
Kasabay nito, hinamon ni Cayetano ang pinuno ng komiteng magsasagawa ng pagdinig, ang independent presidential candidate na si Sen. Grace Poe, na mag-inhibit din sa pangangasiwa sa public inquiry, na hiniling ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.
Sinabi pa ni Cayetano na dapat ding mag-inhibit sa imbestigasyon ang iba pang kandidato, gaya ng vice presidential bets na sina Senators Ferdinand R. Marcos, Jr., Antonio F. Trillanes IV, Gregorio B. Honasan II, at Francis Escudero—na running mate ni Poe.
Gayunman, iginiit ng kampo ni Poe na “inhibition is a voluntary decision” at sinabing hindi ipapaubaya ng senadora ang tungkulin nito sa kanyang co-chairman (Honasan), na kandidato rin naman. - Mario Casayuran