Ni Angie Oredo

Inaasahang ibibigay na lahat ng mga Pilipinong boksingero ang kanilang makakayanan para sa hangaring makapasok sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa kanilang susuunging matinding pagsubok upang makapagkuwalipika sa quadrennial meet na gaganapin sa Agosto 5 hanggang 21 sa Brazil.

Tiyak ng makakaharap nila ang pinakamahuhusay na boksingero sa buong mundo sa gagawin nilang pagsabak sa idaraos na Asia/Oceania men’s tournament sa Qian’an, China sa Marso 23-Abril 3 kung saan tatlong slots ang paglalabanan sa limang weight divisions.

“We’re hoping for the most numbers that will qualify,” wika ni Alliance of Boxing Association in the Philippines (ABAP) Executive Director Ed Picson. “We will be sending our best boxers and hopefully we got the best and the luck in the draw.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sasabak ang Pilipinas sa limang weight divisions na kinabibilangan ng lightflyweight (49 kilograms), flyweight (52), bantamweight (56), lightweight (60), lightwelterweight (64) at welterweight (69).

Inihahanda pa ng ABAP ang magiging opisyal nitong delegasyon na lalahok sa Qian’an.

Tanging nakakasiguro ng puwesto sa delegasyon ang welterweight na si Eumir Marcial na nagawang makatuntong sa quarterfinals ng AIBA World Championships sa Doha noong Oktubre bago nabigong makasiguro ng medalya matapos mabigo kay Daniyar Yelevssinov ng Kazakhstan.

Pinagpipilian naman ang iba pang kandidato sa men’s division na sina light flyweight Rogen Ladon at Mark Anthony Barriga, flyweight Ian Clark Bautista at Rey Saludar, bantamweight Mario Fernandez at Mario Bautista, lightweight Charly Suarez at Junel Cantancio at light welterweights Dennis Galvan at Joel Bacho.

Ang Asia/Oceania men’s tournament sa Qian’an, China ang una sa dalawang natitira na lamang na 2016 Rio Olympics qualifying tournament bago ang huli at krusyal na Continental Championships.

Tanging ang tutuntong sa kampeonato ang makakatiyak ng slots habang ang magwawagi sa isang box-off sa pagitan ng mga nabigo sa semifinal sa bawat dibisyon ang iba pang magkakaroon ng pagkakataong makapasok.