NANG dukutin ang tatlong dayuhan at isang Pilipina mula sa isang holiday resort sa Samal Island malapit sa Davao City noong Setyembre 2015, agad na sinabi ng isang tagapagsalita ng Malacañang na ang kidnapping ay “a very isolated case” at hindi dapat magbunsod ng pangamba.
Makalipas ang isang buwan, isang video ang kumalat sa mga social networking site na nagpapakita sa mga bihag na napaliligiran ng mga armadong lalaki na nangakatakip ang mga mukha, ang isa ay may hawak na bolo malapit sa leeg ng isa sa mga bihag, gaya ng mga eksena sa mga video na inilalabas ng Islamic State sa Gitnang Silangan bago nila pugutan ang kanilang mga bihag.
Nitong Biyernes, lumabas ang huling ulat tungkol sa bihag. Ang isa sa kanila—isang Canadian—ay may sakit at kinakailangang pasanin kapag tumatakas ang mga suspek mula sa pagtugis ng tropa ng militar. Nakatutuwang malaman na kumikilos pala ang gobyerno laban sa mga pagdukot ng Abu Sayyaf, ngunit isang masamang balita na ang isa sa mga bihag ay may karamdaman kaya kinakailangan pa itong pasanin ng mga kidnapper kapag nagpapalipat-lipat ng lugar ang grupo.
Nabanggit din ang Mindanao sa mga balita noong nakaraang linggo kaugnay ng pambobomba sa mga transmission line na nag-alis ng koneksiyon ng dalawang unit ng Agus hydroelectric power complex sa Mindanao grid. Noong bisperas ng Pasko, pinasabog ng dalawang hindi nakilalang lalaki ang Tower 25 sa Ramain, Lanao del Sur. At ngayon ay matinding pinangangambahan ang posibilidad ng ”grid collapse”, at nanganganib ang supply ng kuryente sa Davao City at General Santos City.
Hindi ito ang unang beses na pinasabog ang mga transmission tower sa Mindanao. Ilang taon nang nangyayari ang mga pambobomba ng mga transmission tower at malinaw na bigo ang gobyerno na matukoy ang mga nasa likod nito at kung bakit ito paulit-ulit na ginagawa. Noong Nobyembre, inihayag ng National Grid Corporation of the Philippines na 16 na tower nito ang pinasabog.
Anuman ang dahilan sa mga pambobomba—may kinalaman man ito sa pangingikil sa mga grid operator o bahagi ng planong destabilisasyon ng mga armadong grupo sa Mindanao—sinasalamin nito ang kakayahan ng gobyerno na panatilihin ang kaayusan at ang pag-iral ng batas.
Ang dalawang ito, ang mga pagdukot sa Davao at ang pagpapasabog ng mga transmission tower sa Lanao del Sur, ay nakadadagdag sa sitwasyon ng kawalan ng katiwasayan na inaasahang magkakaroon ng epekto sa mga programa sa pagpapaunlad sa Mindanao. Sa mga insidenteng gaya ng pagdukot sa mga dayuhan at walang habas na pagsira sa mga imprastruktura ng kuryente, mahihinuhang hindi magiging madali ang inaasam na kaayusan para sa Mindanao.