TUNAY ngang taon ng Kapuso Network ang 2015 matapos itong manguna sa nationwide ratings sa kabuuan ng nasabing taon, ayon sa datos mula sa Nielsen TV Audience Measurement. 

Ayon sa full year 2015 household shares ng Nielsen (base sa overnight data ng December 27 hanggang 31), number one sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM) ang GMA dahil sa naitala nitong 35.4 percent total day household audience share, mas mataas sa 34.9 percent ng ABS-CBN at sa 9.2 percent ng TV5. Naungusan ng GMA ang ABS-CBN sa nationwide ratings noong Setyembre 2015, at mula noon at tuluy-tuloy na ito sa pamamayagpag. 

Nanatili ring nangungunang local TV network ang GMA sa Urban Luzon at Mega Manila sa lahat ng dayparts, kabilang ang primetime base sa full year 2015 data. Ang Urban Luzon ay kumakatawan sa 77 percent ng kabuuang urban TV households sa bansa, habang 59 percent naman ang Mega Manila. 

Sa Urban Luzon, nakapagtala ang GMA ng 39.7 percent, mas mataas sa 30.6 percent ng ABS-CBN, at sa 8.2 percent ng TV5. Nanatili ring balwarte ng GMA ang Mega Manila kung saan nakakuha ito ng 41.7 percent, daig ang 27 percent ng ABS-CBN at ang 8.5 percent ng TV5. 

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Namayagpag din ang GMA sa listahan ng top 30 programs sa Urban Luzon at Mega Manila noong 2015 kung saan number one Kapuso program ang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS). Ang multi-awarded news magazine program din ang nanguna sa listahan ng Kapuso shows sa NUTAM.

 Ilan pang malalakas na program ng GMA noong 2015 ang Magpakailanman, Eat Bulaga, Marimar, Little Nanay, Sunday Pinasaya, Pepito Manaloto, at Strawberry Lane.

 Pasok din sa listahan ang 24 Oras, Ismol Family, Because of You, Pari ‘Koy, Once Upon A Kiss, Empress Ki, Beautiful Strangers, Celebrity Bluff, Hiram na Alaala, The Half Sisters, More Than Words, Let the Love Begin, Mundo ni Juan Sa Japan, Second Chances, at Karelasyon.

 Noong December 2015, umabot ng 38.9 percent ang total day household audience share ng GMA sa NUTAM, daig ang 33.6 percent ng ABS-CBN at ang 7.8 percent ng TV5. Kumpara sa ibang networks, mas maraming programa rin ng GMA ang napabilang sa listahan ng top-rating programs sa lahat ng areas. Nakapagtala ng pinakamataas na over-all rating sa Urban Luzon at Mega Manila ang KMJS habang ito rin ang nanguna sa lahat ng Kapuso programs sa NUTAM.

Angat din ang GMA sa ratings noong Christmas holiday break (December 24 hanggang 31), nakapagtala ito ng 38.4 percent na mas mataas sa 32.5 percent ng ABS-CBN. Mas marami ring manonood ang tumutok sa Countdown to 2016 ng GMA kaysa countdown ng ibang network.