Magniningning ngayong Lunes ang Kamara de Representantes sa inaasahang pagsulpot ng ilang bituin sa pelikula at mga organizer ng Metro Manila Film Festival (MMFF), matapos mabalot ng kontrobersiya ang huli kamakailan.

Sinabi ni Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na pagpapaliwanagin nila ang mga opisyal ng MMFF hinggil sa ilang usapin, tulad ng pagkakadiskuwalipika ng pelikulang “Honor Thy Father” sa Best Picture category ng MMFF Awards.

Ipinatawag din, aniya, ang may-ari at operator ng mga sinehan base sa ulat na ilang film entry ang hindi na inilabas dahil hindi kumita ang mga ito sa takilya sa una o ikalawang araw ng pagtatanghal.

“Susubukan natin maalis ang mascara ng mafia na naghahari-harian sa film fest nitong nakaraang 10 taon,” pahayag ni Castelo sa Usaping Balita News Forum sa Serye Café sa Quezon City.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, tatalakayin din ng lupon ang iba pang isyu na bigong matalakay sa resolusyon na inihain ni Laguna Rep. Dan Fernandez, na humihiling sa imbestigasyon hinggil sa umano’y film fest scam.

Isa ring dating aktor, hiniling ni Fernandez na imbestigahan ang MMFF matapos idiskuwalipika ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), event organizer ng film fest, ang pelikulang “Honor Thy Father”. - Ben Rosario