Nakabawi ang Univeristy of Perpetual Help sa kabiguang natamo sa defending champion Emilio Aguinaldo College makaraang walisin ang event host Letran, 25-15, 25-22, 25-18, kahapon at makopo ang twice-to-beat advantage sa Final Four ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nanguna ang team skipper na si Bonjomar Castel at kakamping si Rey Taneo, Jr. para sa nasabing tagumpay sa iniskor nila kapwang tig-11 puntos.
Dahil sa panalo, tumabla ang Altas sa Generals sa barahang 8-1, panalo-talo kaya naman muli silang magtutuos bukas-Martes upang alamin kung sino ang uusad na no.1 seed sa semis.
Pagkakataon na ng Altas na makabawi mula sa natamong 20-25, 22-25, 17-25 kabiguan noong Biyernes na tumapos sa tangka nilang sweep.
Ang magwawagi sa naturang playoff ay makakalaban naman ng mananalo sa table ring San Beda-Arellano University (5-4) habang ang matatalo ay makakatapat naman ng No. 3 St. Benilde (6-2) .
Sa iba pang laro, pinadapa din ng reigning juniors titlist Perpetual Help ang Letran, 25-14, 25-14, 25-21, para makapuwersa din ng playoff sa top seeding kontra Emilio Aguinaldo matapos nilang magtapos na kapwa may barahang 6-1, panalo-talo.
Ang mananalo sa Junior Altas-Brigadiers playoff ay makakalaban ng tabla ding Lyceum of the Philippines at San Sebastian habang ang matatalo ay makakatunggali naman ng No. 3 Arellano University sa Final Four.
Samantala sa women’s division, kinumpleto ng Perpetual Help Lady Alta sang 3-game sweep nang pataubin din nila ng Letran Lady Knights ,25-12, 25-23, 25-21, at makausad sa Final Four taglay ang 7-2, panalo-talong baraha.