Isasagawa na rin ang iba’t ibang events sa sports ang wushu na gagawing regional at division meets sa 2016 Palarong Pambansa na sisimulan saNational Capital Region (NCR).
Ito ang sinabi ni Wushu Federation of the Philippines (WFP) secretary general Julian Camacho matapos makausap ang mga namumuno mula sa Department of Education (DepEd) para sa taunang Palarong Pambansa na gaganapin sa Legazpi City sa Bicol region.
“It will be the first since Wushu was included in the Palaro as a demonstration sports,” ayon kay Camacho.
Una nang isinagawa ang wushu, kasama ang wrestling, futsal at billiards bilang demonstration sports simula noong 2014 Palaro sa Laguna. Huli naman idinagdag bilang demo sports din ang beach volleyball noong 2015.
Posible ring makasama ang wushu sa mga paglalabanang sports sa 2022 Winter Olympic Games na gaganapin sa Beijing, China.
Ito ay kung matutupad ang pagnanais ng International Wushu Federation (IWF) na isama ang wushu sa regular na sports na paglalabanan sa kada apat na taong torneo.
Ipinaalam ni Camacho na mismong ang pangulo ng IWF na si Yu Zahi Qing na isang Chinese ang nagtutulak para makabilang sa opisyal na sports ang wushu na lalaruin sa Beijing Winter Games.
“Kakaunti kasi ang mga sports na pinaglalabanan sa Winter Games at saka dahil indoor iyon ay pupuwede na din na isagawa ang wushu dahil originally ay galing ang sports sa China,” sabi ni Camacho.
Una nang ipinilit ng IWF na mapasama ang wushu ngayong 2016 Summer Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil at 2020 Tokyo Olympics sa Japan subalit hindi ito nakakuha ng sapat na suporta dahilan upang ito ay mabasura. (Angie Oredo)