Nanawagan ni Senador Antonio Trillanes IV sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Energy (DoE) na maghanda ng contingency plans na agarang maipatutupad kung sakaling lumalala ang tensyon ng Iran at Saudi Arabia.
“Ang mabilis na paglala ng sitwasyon sa Middle East, lalo na sa Iran at Saudi Arabia, ay nakababahala. Dapat nang simulan ng DFA at DoE ang paghahanda ng contingency plans para masiguro ang kaligtasan ng higit sa dalawang milyong OFW sa rehiyon, at para mapaghandaan ang epekto ng krisis sa pangangailangang pang-enerhiya ng bansa,” aniya.
Pinayuhan ng senador ang DoE na maghanap ng mga alternatibong pagkukunan ng langis at gumawa ng energy reduction policies upang mabawasan ang epekto ng krisis.
“Ang ating gobyerno ay dapat magkaroon ng proactive na pag-iisip at dapat ay laging handa sa anumang sitwasyon upang hindi na naman tayo nabibigla sa mga isyung nangangailangan ng agarang aksyon,” ani Trillanes. (Leonel Abasola)