mike tolomia copy

Nakatakdang tumanggap ng parangal ang mga dating outstanding collegiate guards na sina Baser Amer ng San Beda College, Mike Tolomia ng Far Eastern University, at Mark Cruz ng Letran College sa idaraos na UAAP-NCAA Press Corps and Smart Sports Collegiate Basketball Awards sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.

Pararanglan sina Amer, Tolomia at Cruz bilang mga Super Seniors ng grupo ng mga sports reporters na kumukober ng collegiate basketball beat dahil sa kanilang impresibong laro sa loob ng limang taon.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Bagamat nabigong pangunahan ang San Beda sa target sana nilang kauna-unahang 6-peat sa NCAA, naging makulay ang stint ni Amer para sa Red Lions kung saan nagwagi siya ng apat na kampeonato mula noong 2011.

Sa kanyang huling taon, nakabalik si Amer matapos magkaroon ng injury sa balikat at natulungan ang Red Lions na makabalik ng finals sa ika-10 sunod na taon bago natalo sa Letran Knights sa finals, 1-2.

Kung kumulekta si Amer ng apat na titulo, siniguro naman nina Tolomia at Cruz na matatapos ang kanilang collegiate career na may palamuting korona nang magwagi ang koponang Tamaraws at Knights at wakasan ang 10-taong title drought ng kanilang mga koponan sa UAAP at NCAA, ayon sa pagkakasunod.

Hindi naman nawala si Tolomia para sa Tamaraws sa mga larong kailangang-kailangan ang kanyang kontribusyon partikular sa finals kung saan tinalo nila ang University of Santo Tomas para makamit ang kanilang ika-20 pangkalahatang UAAP crown.

Nabansagang “The Ant Man”, ang 5-foot-5 na si Cruz ay nagmistulang higante para sa Knights makaraan nitong pangunahan ang kanyang underdog na koponan tungo sa kanilang ika-17 pangkalahatang titulo sa liga na naging daan upang tanghalin siyang Finals MVP ng katatapos na Season 91.

Kasama nilang tatanggap ng parangal sa okayson sina FEU coach Nash Racela dating Letran coach Aldin Ayo na ngayo’y headcoach na ng La Salle bilang coaches of the year, gayundin sina FEU guard Roger Pogoy at Kevin Racal ng Letran bilang mga Pivotal Player awardees.

Samantala, nakatakda ring parangalan ng UAAP-NCAA Press Corps ang iba pang mga top performers kabilang na ang Smart Player of the Year at Collegiate Mythical Five.