Handa si Liberal Party standard bearer Mar Roxas na humarap sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa madugong Mamasapano carnage kung ipatatawag ng komite na pinangungunahan ng katunggali niya sa pagkapangulo sa 2016 na si Sen. Grace Poe.

“Hindi tayo aatras sa ano mang imbestigasyon. Marami nang imbestigasyon ang isinagawa, kabilang ang Philippine National Police (PNP) kaya kung mayroon pang mga katanungan na hindi pa nasasagot, handa akong tumulong d’yan,” pahayag ni Roxas matapos dumalo sa pagtitipon ng Association of Barangay Captains sa Romblon.

Si Roxas ang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) nang mangyari ang madugong enkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, na 44 na tauhan ng Special Action Force (SAF) ang brutal na napatay ng mga puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Subalit iginiit ni Roxas at ni noo’y PNP Officer-in-charge Deputy Director Leonardo Espina na initsapuwera sila sa operasyon sa Mamasapano, na tinaguriang “Oplan Exodus” at pinangasiwaan ng suspendidong PNP chief na si Director General Alan Purisima at dating SAF Director Getulio Napeñas.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Matatandaang ipinatawag si Roxas sa unang bugso ng imbestigasyon sa Senado, at doon ay ginisa siya sa umano’y sama ng loob niya kay Pangulong Aquino dahil sa kawalan niya ng kontrol sa PNP bilang kalihim ng DILG. (Aaron Recuenco)