Angelica Yap copy

HINDI namin gaano natutukang panoorin si Pastillas Girl o Angelica Yap sa It’s Showtime pero natiyempuhan namin siya nang live sa Smart Araneta Coliseum nang mag-celebrate ng anibersaryo ang noontime show ng ABS-CBN.

Nawala sa sarili at talagang nabaliw-baliw si Pastillas Girl nang makita si Coco Martin at dinedma na ang mga nag-aaplay na maging boyfriend niya sa pakulo ng Showtime.

Lalo kaming hindi naging interesado sa kanya thinking na one of those lang siya.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Muli namin siyang nasubaybayan nang barilin ang mama niya, at muli ring nakita sa Kidsmas Party ng TV5 bilang representante ng Viva talents ni Ms. Veronique del Rosario.

Hindi siya in-absorb ng Showtime.

“Naghintay naman po ako ng offer, pero wala naman pong sinasabi si Sir Railey (Santiago, business unit head),” kuwento ni Angelica nang mainterbyu namin earlier this week. “Maski Viva talent na po ako, wala pa po akong contract sa anumang TV network.”

Ang dinededma-dedma naming si Pastillas Girl, e, masarap palang kausap, mabilis mag-isip (naalala tuloy namin si Alex Gonzaga sa kanya), no dull moments.

Baka nga destined siyang mapunta sa showbiz lalo na’t Communication Arts ang kurso niya sa Far Eastern University.

“Nasa third year college na po ako, napahinto lang kasi natanggap ako sa call center. Bale call center agent po ako nang ipatawag ako ng Showtime. Interesado po ako sa scriptwriting, so baka nga po showbiz din. Sabi ko nga po sa (Showtime), ‘pag natapos ko ang course ko, dito ako sa ABS mag-o-OJT. Umoo naman po sila.”

Tumagal ng limang linggo ang kuwento ni Pastillas Girl sa Showtime kaya kinailangan niyang mag-resign sa call center.

“Actually, naisip ko nga po kung babalik ulit ako sa call center after ng Showtime kasi need ko po talagang magtrabaho kasi kailangan kong tulungan ang mga kapatid kong nag-aaral pa, ako po kasi ang panganay sa tatlong magkakapatid,” kuwento ng dalaga.

Ang sumunod kay Pastillas Girl ay 19 years old at third year Architecture student sa FEU at ang bunso naman ay high school pa lang.

Bagamat sagot daw ng tatay nila at ilang kamag-anakang tuition ng mga kapatid niya ay sasagutin naman niya ang baon ng mga ito.

Pero hindi na siya nakabalik sa call center dahil nanghihinayang ang manager niyang si Mr. Gio ng Artista Salon (manager din ni Mark Neumann) na kung hindi pa niya itutuloy ang career tutal nakapasok na siya sa showbiz.

“Kaya po dinala ako ni Nanay Gio kay Boss Vic at sabi sa akin ni Boss Vic, mag-workshop daw muna ako para ‘pag isinalang ako, ready na ako.”

Sa anong role siya komportable?

“Maski ano po sana, pero nasubukan ko na po ang rom-com kasi ‘yung sa search ng Mr. and Ms. Pastillas, so baka po puwede ako roon.”

Nasubukan na niyang mag-guest sa Home Sweety Home nina John Lloyd Cruz at Toni Gonzaga pero hindi pa umeere.

“Wala po akong speaking lines doon, pero ganu’n po pala sa taping, ang sobrang tagal,” natawang kuwento ng dalaga.

Hindi ba siya nakatikim ng sigaw o mura ng director?

“Ay, wala naman po, mabait si Direk Jerry (Sineneng), kaya nga po ako pinagwo-workshop ni Boss Vic kasi para handang-handa ako,” sabi ni Pastillas Girl.

Sa ilang minutong pakikipagkuwentuhan namin kay Angelica Yap ay napansin naming witty siya, mabilis mag-isip at updated sa mga current events at madaldal. Bagay siyang maging talk show host.

“Actually po, gusto ko ring maging host, puwede kaya?”

Since may binubuong talk show sa TV5 ang Viva Entertainment, puwede siyang isama.

Samantala, wala pang update sa kaso sa pagpatay sa kanyang ina, hinahanap pa rin ng NBI ang killer.

“Wala pa nga po, eh, basta ang anggulo nila ay personal,” saad ng dalaga. (Reggee Bonoan)