Naapektuhan ang mga pakarera ng Metro Manila Turf Club nitong nakaraang Martes at Miyerkules dahil sa biglaang pagpullout ng mga betting machines ng Philippine Racing Clubs sa mga off-track betting stations (OTBs).
Nagtamo ng maliit na sales noong Martes habang nakansela naman ang mga karera nitong Miyerkules dahil na rin sa maraming OTBs sa Kamaynilaan ang hindi nakapag-operate.
Dahil sa hindi malamang kadahilanan, biglang ipinatigil ng PRCI management ang paggamit sa maraming bilang ng betting terminals noong Martes (Enero 5). Ang mga ito’y karaniwang parehong ginagamit ng MMTC at PRCI nitong nakaraang ilang buwan sa pamamagitan ng kanilang nag-iisang common provider, ang Global Versatech Inc. (GVI).
Marami ang nagtataka kung bakit ito nangyari ganung ang mga top officials ng dalawang karerahan – PRCI at MMTC – ay maganda ang relasyon at nag-uusap ng maganda.Kaya naman nagulat ng husto ang MMTC at nawalan na ito ng pagkakataon pang makagawa pa ng remedy sa nangyari.
“Pero ganun man, itinuloy namin ang aming karera noong Martes para mapunuan namin ang aming obligasyon sa bayang karerista. Pero maraming mga OTBs ang hindi kaagad nakapaglipat ng kanilang mga terminals kung kayat napilitan na kaming ikansela ang mga karera nitong Miyerkules,” ang sabi ni MMTCI racing manager Wilbert Adriano.
Nasa kasagsagan ngayon ang MMTC sa pagpapadami pa ng kanilang mga betting terminals sa lahat ng mga OTBs. May 200 na ang naka-deployed sa 247 OTBs at 100 pa ang patuloy na ikinakabit para makuha ang kanilang target na 300 betting terminals bago matapos ang buwang kasalukuyan.
Ngayong Lunes ay gagawin ang karera sa MetroTurf at dito mapapatunayan na mas maganda at mabibilis ang mga ikinabit na mga bago at state-of-the-art na mga betting machines.
Kaya naman alam ng MMTC na kaya nilang maghost ng malalaking mga karera na tulad ng PCSO Special Maiden Race at ng Philracom Commissioner’s Cup na nakatakdang ganapin sa Enero 16 at 17 doon sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.