Naisakatuparan ng isang holdaper ang panghoholdap sa dalawang babaeng estudyante gamit lang ang daliri sa Caloocan City, nitong Biyernes nang umaga.

Nangangatog pa sa takot nang magsuplong sa police station sina Elma Marie Santos, 20; at Mary Dee Reyes, 17, para ilahad ang panghoholdap sa kanila.

Inilarawan ng mga ito ang suspek na nasa edad 25-30, 5’2” ang taas, maitim at may maliit na tattoo sa kanang pisngi.

Ayon kay SPO3 Joel Montebon, ng Station Investigation Division (SID), natangay ng suspek ang cellphone ng mga biktima.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Kuwento ng dalawang estudyante, sakay sila sa isang pampasaherong jeep patungong Sangandaan nang biglang sumakay ang suspek sa Gabriel San Miguel Street sa Barangay 8, Caloocan City, dakong 10:00 ng umaga.

Pagsapit sa Torres Bugalion, nagpahayag ng holdap ang lalaki na nakalagay sa loob ng damit ang kamay at sinabing baril ang hawak nito.

Sa takot ng mga biktima, ibinigay nila ang kanilang cell phone at pagkatapos ay mabilis na bumaba sa jeep ang suspek.

(Orly L. Barcala)