NAGDESISYON ang Senado na muling buksan ang imbestigasyon nito sa insidente sa Mamasapano, na 44 na commando ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ang napatay, kasama ng 18 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), lima mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), at ilang sibilyan.
Hiniling ni Sen. Juan Ponce Enrile na muling buksan ang imbestigasyon, sinabing mayroon siyang “new matters and new perspectives” na nais niyang talakayin. Hindi niya nagawang makibahagi sa mga pagdinig ng Senado sa usapin noong nakaraang taon, aniya, dahil nakapiit siya.
Marami ang naniniwalang sa kabila ng mga pagdinig ng Senado at Kamara at ng mga pagsisiyasat ng PNP at National Bureau of Investigation, hindi pa rin natutuldukan ang insidente sa Mamasapano. Hanggang ngayon, hindi lamang patuloy na nagluluksa ang mga pamilyang naulila ng 44 na tauhan ng SAF, kundi naniniwala silang hindi pa rin nailalantad ang katotohanan.
Pinagbatayan ang mga natuklasan sa imbestigasyon ng NBI, naghain ang Department of Justice ng mga kaso laban sa ilan sa mga armadong lalaki na nakipaglaban sa mga SAF commando, ngunit higit pa sa aktuwal na nangyari sa lugar ng engkuwentro, marami pa ring katanungan sa ginawang pagpaplano ng mga hindi awtorisadong opisyal sa buong operasyon at ang kawalan ng pakikipag-ugnayan sa militar tungkol sa sagupaan at sa pagliligtas sana sa mga operatiba ng SAF.
Nagpalabas ng report ang komite sa Senado, na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe, na tumukoy kay Pangulong Aquino bilang “ultimately responsible” sa pagkamatay ng SAF 44, ngunit hindi inaksiyunan ng Senado ang nasabing ulat. Kaya naman sinabi ni Senator Poe na ang komite ay may “leeway to allow new evidence” at nagtakda siya ng panibagong pagdinig, gaya ng hiniling ni Senator Enrile, sa Enero 25, ang unang anibersaryo ng trahedya sa Mamasapano.
Kabilang kaya sa “new matters and new perspectives” ni Senator Enrile ang “new evidence” sa kaso? Kung anuman ang ilalantad sa muling pagdaraos ng pagdinig sa Senado, umasa tayong hindi nito uulitin lang ang mga naiulat nang pangyayari o mga sinumpaang pahayag. Hindi lamang ang pamilya ng SAF 44 ang umaasang mawawakasan na ang kaso ng trahedya sa Mamasapano, kundi ang buong bansa.