Asahan na ang mas maraming checkpoint sa buong bansa simula ngayong Linggo, Enero 10, dahil pagsapit ng hatinggabi ay opisyal nang magsisimula ang election period para sa halalan sa Mayo 9, gayundin ang pagpapatupad ng election gun ban.
Batay sa Commission on Elections (Comelec) Resolution 9981, ang election period ay tatagal ng 120 araw o hanggang sa Hunyo 8, 2016.
Sa naturang panahon, ipatutupad din ang gun ban o pagbabawal sa pagdadala at pagbibiyahe ng mga armas at iba pang nakamamatay na sandata sa labas ng tahanan, kabilang ang mga patalim, granada, at iba pang pampasabog, maliban sa pyrotechnics.
Exempted sa gun ban ang presidente ng bansa, bise presidente, mga senador at mga mambabatas, gayundin ang cabinet secretaries, justices ng Supreme Court, Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals, at trial court judges, ang Ombudsman at kanyang deputies, chairmen at commissioners ng Civil Service Commission, Commission on Audit, at Commission on Human Rights.
Exempted din ang mga security personnel ng foreign diplomatic corps, missions at establishments; mga opisyal ng Comelec, mga tauhan ng pulisya, militar, National Bureau of Investigation, Bureau of Corrections, at Bureau of Jail Management and Penology, ngunit kinakailangang naka-uniporme at on duty ang mga ito.
Sinumang lalabag sa gun ban ay mahaharap sa mahigit isang taong pagkabilanggo, na hindi maaaring saklawin ng probation. (MARY ANN SANTIAGO)