Nagpaplanong kumuha ng foreign coach ang mga Filipino archers para sa hangad nilang palakasin ang huling pagtatangka na mag-qualify sa darating na Rio Olympic Games, ang bagong pamunuan ng World Archery-Philippines,na dating kilala bilang PANNA (Philippine Archers National Network and Alliance).

Ito ang inihayag ng bagong halal na 5-man board ng asosasyon na kinabibilangan nina Atty. Clint Aranas –presidente, Jun Sevilla -Chairman at dating Sea Games medalist at coach Dondon Sombrio.

Sa kanyang panayam kamakailan sa DZSR Sports Radio , optimistikong ipinahayag ng grupo ni Aranas na makakakuha ng slot ang mga Pinoy archers sa Rio Games sa huling qualifier na gaganapin sa Hunyo 12-19 sa World Cup na idaraos sa Antalya, Turkey.

Nagpatuloy na sa kanilang matinding pagsasanay ang mga national archers kung saan ilan sa kanila ay kinailangan pang pansamantalang huminto sa kanilang pag-aaral para lamang makapag focus ng husto sa pagsasanay sa hangad na mag-qualify sa Olympics sa Brazil.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kinakailangan nilang umabot sa Minimum Qualifying scores na 660 para sa kalalakihan at 640 para sa kababaihan sa monthly evaluation upang makasam sa koponang ipapadala sa Antalya Qualifer.

Kaugnay nito, binabalak ng national association na kumuha ng isang Korean coach,hindi para baguhin ang porma at istilo ng mga Pinoy archers kundi upang maayos na ma-monitor ang ginagawa nilang training.

Ang magiging Olympic hopefuls ay magkakaroon pa ng isang international exposure bago sumabak sa Brazil sa darating na Shanghai World Cup na idaraos naman sa buwan ng Marso.

Nabigo ang mga Pinoy archers na mag-qualify sa nakaraang taong World Championships sa Denmark at Asian Continental Qualifier sa Thailand kung saan kinapos ng isa lamang panalo si YOG Mixed double gold medalist Gab Moreno.

(Angie Oredo)